Ebanghelyo: Matthew 6:1-6,16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa…
“Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at iyong Amang nakakakita sa nga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.
Kung mananalangin kayo, huwag n’yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.
Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”
Pagninilay:
May isang tao na tumulong sa mahirap… pero bago ibigay ang tulong, sabi muna: “Wait lang, selfie muna tayo ha!” Pagkatapos post agad sa social media na may caption: “pinagpala ang mga tumutulong.” Tanong: tinulungan ba talaga ang tao… o pinakain lang ang ego?
Sa Ebanghelyo ngayon, sinabi ni Jesus: kapag nagdarasal, nag-aayuno, o gumagawa ng mabuti, huwag para magpasikat. Huwag “pabida.” (Hindi ka si Jollibee!)
Kasi minsan, hindi na para sa Diyos ang ginagawa natin — para na sa likes, papuri, at validation ng tao.
Hindi masama ang gumawa ng mabuti. Ang tanong: bakit mo ginagawa?
If the goal is admiration, then applause becomes the only reward. Pero kung ginagawa mo ito dahil mahal mo ang Diyos at kapwa, then God Himself becomes your reward.
Ang tunay na mabuti, kahit walang nakakakita, ginagawa pa rin.
Kaya ngayong araw, tanungin natin ang sarili natin: “Am I serving God… or serving my image?”
Mga kapanalig, hindi tumitingin ang Diyos sa dami ng audience. Tinitingnan Niya ang laman ng puso. Do good quietly. Pray sincerely. Love genuinely. At tandaan: mas mahalaga ang palakpak ng langit kaysa palakpak ng mundo. Amen.
- Fr. Ramil Tapang, ssp l Society of St. Paul