Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 18, 2026 – Huwebes

Ebanghelyo: Mateo 6:7-15

       Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan n’yo bago pa man kayo humingi.

             “Kaya ganito kayo manalangin:

               Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo,

                  dumating ang kaharian mo,

               sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit.

                  Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw,

                   patawarin mo ang aming mga pagkakautang

               gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.

             Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama.

“Kung patatawarin n’yo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi n’yo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.” 

Pagninilay:

Mga kapanalig, na-experience n’yo na ba na sobrang abala sa trabaho at sa buhay? Di ba dahil dito, nakakalimutan nang manalangin?

Ganyan ang kwento ng isang haligi ng tahanan na nadalaw ko nang nag-home-to-home evangelization kami. Last summer lang ‘yon. Noon daw, napagod na siyang manalangin. Kahit Ama Namin, ayaw na niyang dasalin. Dumating pa sa punto na nagduda siya: “Kung talagang Diyos Ama siya bakit ayaw niyang makinig sa kanyang anak?” At ang isa na mas matinding tanong: “Totoo bang may Diyos?”

Hanggang isang araw, nag-undergo sya ng operation na nauwi sa hindi na siya makapagsalita. Gawa nito na naging jobless siya. Nanatili na lang siya sa bahay. Sa katahimikan, noon niya naramdaman at natagpuan ang Diyos. At narealize niya: hindi pala sa dami ng salita nasusukat ang panalangin, kundi sa pagbabad ng sarili sa presensya ng Diyos. Kahit daw pala buntong-hininga, luha, o pagpikit ng mata, kung taos sa puso, panalangin daw pala iyon. Doon din daw siya natutong humingi ng tawad sa Diyos at napatunayan Niyang pinatawad Siya. Madali na rin siyang makaunawa sa kahinaan ng iba.

Ikaw kapanalig, naganap na ba sa buhay mo ang panalangin na itinuro ng Hesus Maestro sa atin? Yun bang hawak mo na ang ritmo ng Ama Namin. Kahit wala kang sinasambit nasa puso mo na ang beat.

  • Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul