Ebanghelyo: Mt 6:19–23
Sinabi ni Jesus sa kanyang mg alagad: Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.
Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!
Pagninilay:
Alin ba ang bangkong matatag? Ano ba ang investment na malakas kumita? Ito ang mga katanungan ng taong gustong mag-alaga ng kanyang kayamanan at magpadami pa. Masama ba ang magkagustong yumaman? Hindi sinabi ni Jesus na masama. Sinabi niyang hanapin ang tunay na kayamanang hindi mawawala at makakamtan pa rin hanggang sa kabilang buhay. Parang sinasabi sa iyong: “Naghahanap ka rin lang naman, hanapin mo na ang the best.” Sa kabilang dako, kawawa ang taong ginugugol ang buong buhay sa pag-ipon ng kayamanang makalupa at hindi inisip ang kanyang huling hantungan. Ang kanyang kayamanan ay mamanahin ng mga anak o ng iba na hindi man lang nagpakahirap upang mapasakanila ang mga ito. At siya? Tatayo siya sa harap ng Diyos na hubad sa grasya. Karapatan ng bawat tao ang magsikap at magkaroon ng ari-arian upang mamuhay nang may dignidad. Kung biyayaan siya ng Diyos ng kayamanan na bunga ng kanyang pagsisikap, iyan ay kaloob na dapat ibahagi sa iba. Ang kayamanan ay biyaya ng Diyos ngunit maaring gawing bitag din ng demonyo. Kung gagamitin sa kabutihan ito’y magpapalago sa kaharian ng Diyos. Kung aangkinin at gagawing instrumento ng pang-aapi sa mahihirap, ito’y trabaho ng kadiliman. Tanungin natin ang ating sarili: Anong uri ng kayamanan ang aking hinahangad ? “Kung saan ang iyong kayamanan, naroon ang iyong puso.” Manalangin tayo: Jesus, Ikaw ang aking tanging yaman. Ingatan Mo ang aking pusong marupok upang sa lahat ng pagkakataon, ikaw ang pipiliin ko. Amen.