Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hunyo 20, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Mt 6:24-34

           Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapapabayaan naman ang pangalawa. Hindi kayo makakapaglingkod sa Diyos at sa pera.

          Kaya sinasabi ko sa inyo:huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan n’yo ang mga ibon sa Langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Lngit. Di ba’t mas mahalaga kayo kaysa mga ibon?

          “Sino sa inyo ang makapagdagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? At ba’t kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan n’yo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay di nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo—– mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan—-higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong kukunti ang paniniwala!

          “Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakainin? Ano ang ating iinumin?O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito, ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan n’yo ang mga ito. Kaya hanapin n’yo muna ang Kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”

Pagninilay:

          Sa Ebanghelyo ngayon, malinaw ang paalala ni Jesus. “Hindi kayo maaaring maglingkod sa dalawang Panginoon.” Madalas nahahati ang ating puso – sa Diyos at sa mga bagay na panlupa tulad ng pera, seguridad at kinabukasan. Mga kapanalig, hindi naman masama ang maging handa for any eventuality, ngunit kapag nakasandal lamang ang ating tiwala sa materyal na bagay, unti- unti nating nalilimutan ang Diyos bilang tunay na pinagmumulan ng lahat.

Ipinapaalala rin ni Jesus “Huwag kayong mag-alala.” Ngunit sa totoo lang, napakadaling mag-alala lalo na sa pang- araw- araw na pangangailangan. Ano ang kakainin? Paano ang kinabukasan? Paano ang pamilya? Ngunit itinuturo ni Jesus ang mga halimbawa ng mga ibon sa himpapawid at mga liryo sa parang. Hindi sila nag- iipon, ngunit sila’y inaalagaan ng Diyos. Gaano pa kaya tayo, na Kanyang mga anak? Hindi sinabi ni Jesus na tumigil tayo sa paggawa o maging pabaya, kundi magtiwalang may kasamang pagsisikap ngunit hindi nababalot ng takot.

Nagmumula ang tunay na kapayapaan sa pusong umaasa sa Diyos, hindi sa yaman o kasiguruhan ng mundo. Kaya ang hamon sa atin ay ito: “Unahin ninyo ang paghahari ng Diyos at ang Kanyang kalooban.” Harinawa, mamuhay tayo ngayon nang may tiwala, at pananampalataya sa Panginoon.

Panalangin: Panginoon, turuan Mo po akong magtiwala sa Iyong pag-aaruga. Sa gitna ng aking mga alalahanin, ipaalala Mo po na Ikaw ang aking lakas at sandigan. Tulungan Mo po akong unahin Ka sa aking buhay, at ipaubaya sa Iyo ang aking bukas. Amen.