Ebanghelyo: Mt 7:21–29
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Amang nasa Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’
Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
Pagninilay:
Mula pa sa aking pagkabata ay pangarap kong mapunta sa heaven. Katunayan, ang madalas kong sagot sa tanong na “What is your greatest desire?” sa mga slum book noon ay: “To be with God in heaven.” Pero napagtanto ko na hindi pala madali ang pangarap na iyon. Ang hirap pala! Kasi kadalasan may kaakibat na sakripisyo at pagsuko ng aking kalooban ito sa kalooban ng Diyos. Gaya ng kahit gusto kong gumanti sa nang-aaway sa akin, hindi ko magawa kasi nakaka-konsensyang manakit ng damdamin ng iba. Kaya ang malalaking achievements ng mga nais na mapunta sa heaven ay to conquer oneself, to humble oneself, and to purify one’s intentions—upang maka-align sa kalooban ng Diyos. Karaniwan sa atin ang magalit kapag nasaktan, ang naising maghiganti kapag inapi at nilamangan. Pero paano kung ang gusto ng Diyos ay magpatawad ka at magpakumbaba? Susuko ka ba sa Diyos? Susundin mo ba ang kalooban niya kahit labag ito sa iyong kalooban? Kapanalig, the greatest victory is to conquer oneself. Kaya mo bang magpigil ng iyong sarili kung alam mong hindi ito ang kalooban ng Diyos?