Ebanghelyo: Mateo 9:14-17
Lumapit kay Hesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Hesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno. Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Dapat lagyan ng bagong alak ang bagong sisidlan; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
Pagninilay:
Gusto kong unawain ang damdamin ng mga alagad ni Juan sa Mabuting Balita ngayon. Isipin ninyo, malimit silang nag-aayuno, samantalang ’yong mga alagad ni Hesus ay kain nang kain. Nang-iingit ba sila? Pero kung minsan ganito rin tayo mag-isip, di ba? Nagsisimba tayo, sinisikap magpakabanal, nagsasakripisyo at sinisikap mamuhay nang matuwid pero sa ilalim ng ating puso may namamahay palang inggit sa pamumuhay ng iba. Para kasing puro lang sila pasarap sa buhay, hindi nauubos ang tinatamasa, at parang walang kamatayan. Kapanalig, hinahamon tayo ng Mabuting Balita na gawing taos sa puso at kalooban ang pagsunod kay Hesus. Huwag nating kainggitan ang maluho at makamundong pamumuhay ng ilan dahil sa dakong huli, higit pa riyan ang ipagkakaloob sa atin ng Butihing Diyos. Kailangan ng bagong pananaw sa buhay ang pagsunod kay Hesus, na maaaring hindi na angkop sa ating mga dating paniniwala at uri ng pamumuhay. Marami sa atin ang naniniwala kay Hesus, pero napakarami pa rin ng mga pamahiin na nakaugat sa paganong ritwal noong hindi pa tayo Kristiyano. Marami rin sa mga pinuno ng ating pamahalaan ang nagtapos sa Catholic schools, pero taliwas naman sa mabuting asal ang kanilang pamumuhay. Kapanalig, hinahamon tayo ng Mabuting Balita na suriin ang ating pamumuhay. Naka-align ba ito sa mga turo ni Hesus at ng Inang Simbahan? Kung hindi, panahon na para baguhin natin at iakma sa turo ni Hesus.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul