Ebanghelyo: Juan 20:24-29
Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Hesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” sumagot naman siya: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Hesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Pagninilay:
Noong bata tayo, ilan sa atin ang napagsabihan na ng, “Ang dami mong tanong!” Minsan tuloy kahit matanda na tayo parang nakakahiya nang magtanong. Baka isipin ng iba na hindi tayo nakikinig, o kulang tayo sa karunungan.
Pero kung tutuusin, paano tayo natututo kung hindi tayo magtatanong?
‘Yan ang magandang tanong sa araw na ito kung kailan ginugunita natin si Sto Tomas, Apostol.. Madalas nating maalala si Tomas bilang doubter, yung alagad na nagduda. Pero baka mas tama siyang alalahanin bilang alagad na nagtanong. At walang masama roon.
Minsan iniisip natin ang pananampalataya ay kawalan ng pagdududa. Pero ang mas malaking panganib ay hindi ang pagtatanong. Ang mas malaking panganib ay ang paniniwalang tinanggap na lang at hindi man lang sinuri. Bilang tao likas tayong naghahanap ng saysay at paliwanag. Ang taong nagtatanong matatagpuan ang katotohanan. Pero ang taong ayaw mag-isip o ihayag ang kanyang mga pagduruda at bumabagabag ay mananatiling nasa dilim, kahit na may liwanag naman talaga.
Kaya siguro nang magpakita si Hesus, hindi niya pinagalitan si Tomas. Hindi niya sinabing, “Bakit ka nagtanong?” Sa halip, tinugunan niya ang mismong hinahanap nito. At mula sa mga tanong na iyon ay isinilang ang isa sa pinakamalalim na pagpapahayag ng pananampalataya sa Mabuting Balita: “Panginoon ko at Diyos ko!”
Marahil ito ang paanyaya ng kapistahan ni Santo Tomas sa atin. Huwag matakot sa mga tanong. Dalhin natin ang ating mga katanungan at pagduruda sa Diyos na siyang katotohanan at pagmamahal. Sapagkat ang tapat na paghahanap ay nagiging daan tungo sa mas malalim na pananampalataya.
Kapanalig, kanino ka ba nagtatanong? Kanino mo dinadala ang iyong mga pagduruda? Imbes na kung saan saan at kung kani-kanino, gayahin natin si Sto. Tomas. Sa gitna ng kanyang mga katanungan, nanatili siyang kapiling ng Simbahan, at nakatuon kay Hesus.
- Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul