Ebanghelyo: Mateo 9:1-8
Sumakay sa bangka si Hesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang Makita ni Hesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Hesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat ninyong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi. Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
Pagninilay:
Ipinapaalala ng Mabuting Balita ngayon na mas malalim ang nakikita ni Hesus kaysa sa mga problemang nakikita natin. Dinala ang paralitiko ng kanyang mga kaibigan kay Hesus para mapagaling ang kanyang karamdaman, pero unang tinugunan ni Hesus ang kalagayan ng kanyang puso: “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” Bago pa man pagalingin ni Hesus ang katawan, pinagaling muna Niya ang kalooban.
Kapanalig, madalas tayong nakatuon sa mga panlabas na suliranin: mga problema sa trabaho, sa pamilya, sa kalusugan, o sa kabuhayan. Totoong mabigat na dalahin ang mga ito. Pero ipinapaalala ni Hesus sa Mabuting Balita na minsan may mga pasaning mas mabigat pa kaysa mga ito: sama ng loob, takot, pagkakasala, inggit, o kawalan ng pag-asa. Kapag ang puso ay napagaling ng Diyos, mas nagkakaroon tayo ng lakas na harapin ang iba pang hamon sa buhay.
Mapapansin natin ang pananampalataya ng mga kaibigan ng paralitiko. May kasabihan, “No man is an island.” Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. At buhay na buhay ito sa mga kaibigan ng paralitiko. Dahil sa kanilang pagmamalasakit, naihatid nila ang kanilang kaibigan kay Hesus. Isang paanyaya ito sa atin na maging daan din ng biyaya para sa iba: sa pamamagitan ng panalangin, pagdamay, pakikinig, at simpleng kabutihan.
Kapanalig, tanungin natin ang ating sarili: Ano ang pasaning dinadala ko na kailangan kong ilapit kay Hesus? Ipagkatiwala natin ito sa Kanya sa panalangin. Tingnan din natin kung sino sa ating paligid ang nangangailangan ng ating tulong, pag-unawa, o pag-asa. Tulad ng mga kaibigan ng paralitiko, maaari tayong maging instrumento ng pagpapagaling ng Diyos sa buhay ng iba.
Panalangin: Panginoong Hesus, pagalingin Mo ang anumang sugat sa aking puso at palakasin Mo ako upang makatulong sa iba na maranasan ang Iyong pag-ibig. Bigyan Mo ako ng pananampalatayang magtiwala sa Iyong kapangyarihang magpatawad, magpagaling, at magbigay ng panibagong buhay. Amen.
- Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughters of St. Paul