Ebanghelyo: Mateo 9:18-26
Lumapit kay Hesus ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika’t ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Hesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Hesus. Sapagkat naisip niyang “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Hesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon. Pagdating ni Hesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Pagninilay:
“Mahipo ko lang ang laylayan ng kanyang damit ay gagaling na ako!”
Dalawang milagro ang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon. Isang pinuno ng mga Hudyo ang lumapit kay Hesus na may nakapagtatakang kahilingan: “Kamamatay lang ng aking anak na babae… ngunit ipatong mo ang iyong kamay sa kanya at mabubuhay siya.” Nakakagulat, di po ba? Pero sumama si Hesus sa kanyat at habang papunta sila kung nasaan ang anak ng pinuno, sumunod ang isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo. Sabi niya, “Mahipo ko lang ang laylayan ng kanyang damit ay gagaling na ako!”
Kapanalig ano ang idinadalangin mo ngayon? Kagalingan sa karamdaman? Bagong pagkakataon? Pagkakasundo? Panunumbalik ng ugnayan sa pamilya at lipunan? Makaraos sa mga pinagdaraanang kahirapan ng buhay?
Lumapit ka kay Hesus tulad ng pinuno at ng babaeng dinurugo. Kahit nanghihina ka na ay manalig ka. Kumapit ka sa kanyang hanggang marinig mo rin siyang nagsasabi sa iyo: “Anak, lakasan mo ang iyong loob. Pinagaling ka ng iyong pananalig.” Amen.
- Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul