Ebanghelyo: Mateo 9:32-38
May nagdala kay Hesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng demonyo.” At nilibot ni Hesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”
Pagninilay:
Sa Mabuting Balita ngayon, dalawang larawan ng puso ni Hesus ang malinaw na nakikita natin: ang Kanyang kapangyarihang magpagaling at ang Kanyang habag sa mga taong naliligaw at nasasaktan.
Dinala kay Hesus ang isang piping sinasapian ng demonyo. Nang mapalayas ang demonyo, nakapagsalita ang lalaki. Isang simpleng himala, ngunit may malalim na mensahe. Maraming tao ngayon ang hindi naman pipi ang dila, ngunit tila nawalan na ng boses dahil sa takot, sugat, pagkabigo, o mababang pagtingin sa sarili. May mga hindi makapagsabi ng nararamdaman, hindi makahingi ng tawad, hindi makapag-pahayag ng pagmamahal, at hindi makapanindigan sa tama.
Kapag hinayaan nating kumilos si Hesus sa ating buhay, unti-unti Niyang pinapalaya ang mga bahagi ng ating pagkatao na matagal nang nakakulong. Binibigyan Niya tayo ng lakas upang muling magsalita, magmahal, mangarap, at mabuhay.
Ngunit higit pa sa himala, naantig ang puso ni Hesus sa kalagayan ng mga tao. Nakita Niya silang “parang mga tupang walang pastol.” Hindi lang sila may sakit; nalilito rin sila, pagod, at walang direksyon. Hindi ba’t ito rin ang larawan ng maraming tao sa ating panahon? Maraming may trabaho ngunit walang kapayapaan. Maraming konektado sa social media ngunit malungkot at nag-iisa. Maraming matagumpay ngunit wala namang malinaw na layunin sa buhay.
Kaya sinabi ni Hesus: “Napakaraming aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani.” Hindi lang nangangailangan ng magagaling ang mundo. Mas kailangan ang mga taong may pusong marunong umunawa, makinig, maglingkod, at magmahal.
Mga kapanalig, hindi lamang, “Ano ang kailangan mo?” ang tanong ni Hesus sa atin ngayon kundi, “Handa ka bang maging daluyan ng Aking habag para sa iba?”
Hindi lamang ang mapagaling tayo ni Hesus ang tunay na himala, kundi ang maging daan at daluyan tayo ng pag-ibig ni Hesus para sa ating kapwa.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul