Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 8, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Mateo 10:1-7

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Hesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin n’yo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit.’”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyong ito, tinawag ni Hesus ang Kanyang mga alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpagaling at magpalayas ng masasamang espiritu. Hindi Niya pinili ang mga perpekto, mayayaman, o makapangyarihan. Pinili Niya ang mga ordinaryong tao na handang sumunod at magtiwala sa kanya. Sa kabila ng ating kahinaan at pagkukulang, maaari pa rin tayong maging kasangkapan ng Panginoon. Ang mahalaga ay bukas ang ating puso sa Kanyang kalooban.

”Malapit na ang kaharian ng langit.” Ito ang pahayag ni Hesus. Ang kaharian ay hindi lamang lugar kundi pamumuhay na puno ng pag-ibig, awa, katotohanan at kapangyarihan. Sa bawat mabuting gawa, pagpapatawad, at pagtulong sa kapwa, ipinapakita natin ang presensya ng Diyos.

Mga kapanalig, tayo rin ay tinatawagan upang maging tagapaghatid ng Mabuting Balita. Hindi kailangang maging tanyag o mahusay magsalita upang makapaglingkod. Minsan, sapat na ang isang mabuting salita, pakikinig, o simpleng pagdamay sa nalulungkot. Kapag kasama natin si Hesus, binibigyan Niya tayo ng lakas at karunungan. Huwag tayong matakot sa ating kakulangan, sapagkat patuloy na kumikilos ang Diyos sa pamamagitan natin. Ang tunay na misyon ay dalhin ang pag-asa at pagmamahal ng Diyos sa iba. At sa ating pagsunod, lalo nating nararanasan ang Kanyang biyaya at presensya sa ating buhay.

  • Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul