Ebanghelyo: Mateo 13:1–23
Nang araw na yaon ay lumabas ng bahay si Hesus. At naupo sa tabing dagat. Nilapitan siya ng makapal na tao. Kaya lumulan siya sa isang daong at naupo roon. Samantalang ang mga tao ay nasa dalampasigan. At nag salita siya sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ang wika “Ang isang magsasaka ay lumabas upang maghasik, sa kanyang pag hahasik, ang ilang butil ay nalaglag sa tabi ng daan. At ito ay kinain ng mga ibon sa himpapawid. Nang sila ay dumating, ang ilan ay nalaglag sa mga batuhan na doon ay walang sapat na lupa. Tumubo agad palibhasa ay hindi malalim ang lupa. Datapwa’t pagsikat ng araw ay nalanta at tuluyan ng natuyo dahil sa kawalan ng ugat. Ang ilan ay nawalan ng ugat sa dawagan. At nang lumaki ay ininis ng mga tawag. Ang iba naman ay nalaglag sa mabuting lupa. May namunga ng tig iisandaan , tig aanimnapu, nang tig tatlumpu. Ang may mga tainga ay Makinig !”
Pagninilay:
Kumbaga sa lenguwahe ng mga kabataan ngayon, maituturing natin si Hesus na isang “cool teacher”. Nagturo siya ng Salita ng Diyos hindi lamang sa Templo kundi maging sa palengke, sa kalye at maging sa lawa habang sakay sa isang bangka. Dumistansya siya mula sa nagkukumpulang mga tao na nais makapakinig sa kanya. Napapalibutan ang lawa ng Galilea ng mga bundok at kaparangan. Maaaring mula sa di kalayuan nasulyapan ni Hesus ang isang manghahasik ng mga buto. Ginamit ni Hesus ang halimbawang ito para isalarawan ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos.
Malayang isinasaboy ng manghahasik ang mga buto at ang ilan ay tinatangay ng hangin patungo sa daanan. Natatapakan iyon ng mga nagdaraan at ang ilan naman ay tinuka ng mga ibon. Ang ibang buto ay napadpad sa dakong mabato. Nabuhay man ang binhi ngunit hindi iyon nagtagal at namatay dahil sadyang mababaw ang pag-ugat nito. Ang mga butong dumapo naman sa mga matitinik na dako ay sinakal ng mga tinik at hindi na lumago hanggang tuluyang mamatay. Ngunit dahil sagana ang mga butong isinasaboy ng manghahasik, marami sa mga ito’y humantong sa mabuting lupa kung saan nabuhay at lumago ang mga halaman. Ang mga buto ay namunga ng isandaan, animnapu at tatlumpung ulit.
Sagana ang Salita ng Diyos. Inihahayag ito ng Panginoon at humihirang siya ng mga mangangaral. Ngunit hindi lamang yaong nag-aral sa unibersidad o seminaryo ang naghahayag ng Mabuting Balita. Kadalasan, ang mga ordinaryong tao na tahimik at nabubuhay nang payapa at may takot at pag-ibig sa Diyos ay nagiging makapangyarihang tagapagpahayag ng kanyang Salita. Maging ang taong may malubhang sakit na patuloy na kumakapit at nagtitiwala sa Diyos ay nagiging buhay na saksi ng Mabuting Balita. Ang lupang tumatanggap ng Salita ng Diyos ay may tungkulin din na pagnilayan at pagyamanin sa kanyang buhay ang Salita ng Diyos. Hindi basta mamumunga ang Salita ng Diyos pagkatapos na ito’y ipahayag. Kailangan ang pakikinig, pagtanggap, pagninilay at pagsasabuhay nito.
Panginoon, nakakagulat po ang maaring mangyari kung taimtim naming tatanggapin at isasabuhay ang iyong Salita. Tulungan mo po kaming makinig nang may pananampalatayang tapat at totoo. Amen.
- Fr. Paul Marquez, ssp l Society of St. Paul