Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
Sinabi ni Hesus sa Labindalawa: “Hindi higit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ihayag n’yo sa liwanag. Ang narinig n’yo nang pabulong, ihayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”
Pagninilay:
Anong kinatatakutan mo? Bilang laki sa isang prestihiyosong all-boys school sa Metro Manila, sports ang isang paraan upang matutunan ang kahalagahan ng grit o ang tibay ng loob, lalo na kapag mukhang tagilid ang laban o kung mahaharap sa pagkatalo. Naaalala ko noong isang promotion test namin sa taekwondo, kinailangan naming baliin ang isang tablang kahoy gamit ang isang sipa. Dahil medyo makapal ang tabla, kinabahan akong hindi ko mababali ito sa isang sipa. Hinding-hindi ko malilimutan ang payo sa akin ng aking instructor, “Hindi sa lakas ng sipa nasusukat ang iyong paglago kundi sa lakas ng iyong loob at tiyaga na harapin ang hamon.” Samakatuwid, hindi nakabatay sa ating kakayahan ang ating pagkatao kundi sa ating sigasig na magtiyaga at magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok at hamon ng buhay.
Kahapon, narinig natin sa Mabuting Balita kung paano ni-real talk ni Hesus ang kanyang bagong-hirang na mga alagad sa haharapin nilang hamon sa misyon––tahasang pagtanggi, pagtalikod, at paghihiya mula sa sariling pamilya, mga kaibigan, at kababayan. Sigurado akong natakot ang mga alagad sa ganitong pangungusap! Ngayon naman, paalala ni Hesus sa kanila na ang pag-aalimura ng mundo ay isang patunay ng kanilang katapatan at dapat nilang ikatuwa’t ipagmalaki, tulad ng isang medalyang tanda ng tagumpay. Dagdag pa ni Hesus na sa kanilang paghihirap at pagpapakasakit ay hindi sila nililimot ng Diyos – “bilang ang inyong buhok,” ika nga niya.
Mga kapanalig, normal na susubukin ng mundo ang ating pamumuhay bilang Kristiyano. May mga pagkakataon din na tayo’y panghihinaan ng loob at tatalikod, tulad ng mga alagad. Ngunit panghawakan natin ang paalala ni San Juan Pablo Ikalawa, “Hindi tayo suma total ng ating mga kahinaan; tayo ay suma total ng pag-ibig ng Ama at ng ating tunay na kakayahang maging kawangis ng kanyang Anak.” Hindi nasusukat ang halaga ng ating pagkatao sa ating mga pagkatalo kundi sa pagmamahal ng Diyos na nagpapalakas sa ating bumango’t sumubok muli. Kapit lang tayo dahil sa pag-ibig ng Diyos, kailanma’y ‘di tayo tuluyang mabibigo.
- CL Russel Patolot, ssp l Society of St. Paul