Ebanghelyo: Mateo 10:16-23
Sinabi ni Hesus sa Labindalawa: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay ng parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan n’yo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago n’yo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”
Pagninilay:
Totoo ang salita ng Panginoon noon, ngayon at hanggang sa katapusan ng panahon. Ang paaalala niya sa kanyang mga alagad mahigit na 2,000 taon na ang nakakalipas ay para bagang sa atin niya ngayon ibinubulong: MAGPAKATALINO at MAGING MATAPAT. Nahaharap tayo ngayon sa ibang uri ng suliranin na susubok sa tatag ng ating pananampalataya, tulad ng nakaririmarim na korupsyon sa ating pamahalaan; ang lumalaganap na fake news at poison posts sa social media; ang kaguluhan at kahihiyang nagaganap sa kongreso at senado; ang talamak na pagbibigay halaga ng mga namumuno sa atin sa kanilang pansariling agenda. Ang sugat na gawa ng “kalaban” ngayon ay ‘di nakikita sa katawan; sumusugat ito sa ating isip at kaluluwa at nagbubunga ng pagkakagulo, pagkakahiwa-hiwalay at hidwaan. Tayo ngayon ay nasa gitna ng pakikibaka… hindi na nga lang mga Pariseo o mga Hentil ang ating katunggali kundi mga tulad nating mga “Kristiyano”… mga nagpupuri sa Diyos ngunit taliwas sa turo ng Panginoon ang ginagawa.
Paano natin haharapin ang lahat nang ito? May formula na iniwan ang Panginoon: MAGING MATALINO – huwag agad padadala sa magagandang pangako, sa mga maluha-luhang pagtawag sa Panginoon samantalang taliwas sa utos ng Diyos ang ginagawa. MAGING MAPANURI – matutong manaliksik; alamin ang katotohanan; …mag “fact check”! Timbangin ang mga bagay-bagay. Huwag agad maniniwala sa mga taong mukhang banal at madasalin. Tandaan natin na ang diablo na tumukso sa Panginoong Hesus sa disyerto ay maalam sa Banal na Kasulatan.
At higit sa lahat, MAGING MATAPAT. Matapat sa pagtupad sa mga utos ng Panginoon. Matapat sa ating konsiyensiya…sa ating pamilya… sa ating bayan. Kung susundin natin ang bilin ng Panginoon, hindi tayo basta-basta mahihikayat ng mga nagpapanggap na tupa ngunit mga mababangis na lobo pala. Amen.
- APC Lulu Pechuela