Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 22, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Juan 20:1-2, 11-18

Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta sa libingan si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbong pumunta si Maria Magdalena kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Hesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nanatili sa labas ng libingan si Maria na tumatangis. Habang tumatangis siya, yumukod siyang nakatanaw sa libingan. At may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, nasa may ulunan ang isa at ang ikalawa nama’y nasa may paanan ng kinalagakan ng bangkay ni Hesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka tumatangis?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagak.” Pagkasabi niya ng mga ito, tumalikod siya at nakita niya si Hesus na nakatayo. Ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ale, bakit ka tumatangis? Sinong hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay, at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Maria!” Pagkaharap niya ay winika niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni” (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Hesus: “Huwag mo akong pigilin sapagkat hindi pa ako nakaakyat sa aking Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama n’yo, sa Diyos ko at Diyos n’yo.’” Pumunta si Maria Magdalena, na nagbalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon. At ito ang sinabi niya sa akin.”

Pagninilay:

Minsan bumisita ako sa isang behavioral health care center noong ako ay seminarista pa lamang. Nakita ko doon magkahiwalay ang mga pasyenteng babae at lalaki. Napansin ko na mabibilang ang mga pasyenteng babae. Ngunit halos puno ang kwarto ng mga pasyenteng lalaki. Sabi sa akin ng isang facilitator doon: “Brother, pansin mo mas maraming lalaking pasyente kaysa sa babae.” Sabi pa niya: “Ayon sa research, mas maraming lalaki ang nadedepressed kaysa sa babae kasi hindi sila expressive. Ayon sa research, mas expressive ang babae kaya kaunti lang ang kaso na tinatamaan talaga sila ng depression.”

Sa aking pagninilay-nilay, siguro nga sinadya ni Hesus na magpakita kay Maria Magdalena kasi alam ni Hesus na kung ano ang nakita at naramdaman ni Maria Magdalena ay sasabihin niya agad ito sa mga disipulo. Mga kapanalig, tandaan natin na noong kapanahunan ng ating Panginoong HesuKristo, ang isang babae ay walang karapatan magsalita sa gitna ng mga pagtitipon. Sapagkat ang isang babae ay itinuturing na second class citizen. Kaya’t walang karapatang magsalita si Maria Magdalena sa gitna ng pagtitipon ng mga apostol dahil babae siya. Ngunit binago ito ni Hesus. Para kay Hesus ang pagpapalaganap ng mabuting balita ay para sa lahat- walang diskriminasyon.

Sinabi ni Hesus kay Maria Magdalena: “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at sa iyong Diyos.” At pumunta si Maria Magdalena at sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus. Dahil diyan tinagurian si Maria Magdalena bilang “Apostle to the Apostles.”

Mga Kapanalig, lahat tayo ay tinawag ng Dios upang maging saksi sa kanyang kabutihan. Ang misyong ipalaganap ang mabuting balita ay hindi lamang misyon ng mga pari o ng mga relihiyoso. Ano man ang ating bokasyon sa buhay, tayo rin ay inaanyayahan ni Hesus na pumunta sa ating mga kapatid na nawawalan na ng pag-asa upang ipaalam sa kanila na buhay ang Dios. Tayong lahat ay tinawag upang padaluyin ang awa, habag at pag ibig ni Hesus sa mundong ito. Nawa marinig natin sa ating kapwa ang mga katagang: “tunay ngang buhay ang Dios sapagkat nakikita ko si Hesus sa buhay mo.”

Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St . Paul