Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Hulyo 31, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mateo 13:54-58

Pumunta si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Hesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang ginawa niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

Pagninilay:

Madali ka bang magsawa? Sa panahon ngayon, parang mabilis tayong magsawa.

Sa mga bagay na dati nating pinapangarap. Sa mga taong minsan ay labis nating pinahalagahan. At kung minsan, maging sa mga biyayang matagal nang nasa ating buhay.

Sa Ebanghelyo ngayon, namangha ang mga kababayan ni Hesus sa Kanyang karunungan. Ngunit hindi sila naniwala sa Kanya. Bakit? Dahil masyado silang pamilyar kay Hesus. Kilala nila ang Kanyang pamilya. Kilala nila ang Kanyang pinagmulan.

At dahil akala nila kilala na nila Siya, hindi nila nakita kung sino Siya talaga.

Minsan, unti-unti tayong nasasanay sa grasya at pagmamahal Niya.

Nasasanay na tayo sa Misa at sa Kanyang mga biyaya.

Ang mga bagay na minsang ipinagdasal at hinihingi natin ay tila nagiging karaniwan na lamang. Hindi dahil nabawasan ang biyaya niya, kundi dahil nasanay na tayo sa sa kabutihan niya. At kapag nawawala ang pagpapahalaga, unti-unti rin tayong nagiging manhid sa Kanyang presensya.

Si San Ignacio ng Loyola ay nagturo na matatagpuan ang Diyos sa lahat ng bagay. Sapagkat ang Diyos ay hindi lamang nasa mga pambihirang sandali ng buhay; Siya rin ay naroroon sa mga bagay na madalas nating balewalain dahil sa sobrang pagiging pamilyar.

“Kapag nasanay tayo sa biyaya ng Panginoon, nakakalimutan nating ang mga bagay na ordinaryo ngayon ay minsan nating ipinagdasal nang may luha at pananampalataya noon.”

Panginoon, bigyan Mo kami ng pusong marunong mamangha sa Iyong mga biyaya. Huwag Mong hayaang masanay kami sa Iyong pagmamahal. At tulad ni San Ignacio, turuan Mo kaming matagpuan Ka sa lahat ng bagay at sa bawat araw ng aming buhay. Amen.

  • Fr. Ronel Delos Reyes, ssp l Society of St. Paul