Ebanghelyo: Mateo 14:13-21
Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” Sinabi niya: “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-pira—labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga
Pagninilay:
Sa ating Ebanghelyo ngayon, isang masamang balita ang natanggap ni Hesus: namatay na ang pinsan at kaibigan niyang si Juan Bautista. Ang pagpunta Niya mag-isa sa isang ilang na lugar upang manalangin ay nagpapahiwatig ng Kanyang labis na kalungkutan. Ngunit nasundan Siya ng napakaraming taong nangangailangan ng Kanyang tulong.
Maaari sanang piliin ni Hesus na huwag pansinin ang nagugutom na mga tao. Ngunit sa halip na unahin niya ang sarili Niyang nararamdaman, pinili Niyang unahin ang pangangailangan ng iba.
Itinanggi ba ni Hesus ang Kanyang lungkot at damdamin? Hindi. Ngunit alam Niya kung paano ito dalhin at ituon sa panalangin at sa pagmamalasakit sa kapwa.
Madalas tayong lamunin ng ating ego, personal na hinanakit, at mga sugat na hindi pa naghihilom dahil sa mga pangyayari sa ating buhay. Ang mga ito ay hindi lamang sumisira sa ating kapayapaan, kundi nakahahadlang din sa ating paglago at sa ating kakayahang magmahal at maglingkod sa iba.
Hinihikayat tayo ni Hesus ngayon na huwag hayaang manaig ang ating mga sugat kaysa sa ating pagmamahal. Kapag isinuko natin sa Diyos ang ating mga pinagdaraanan, matututuhan nating maging daluyan ng habag at pag-asa para sa iba, kahit tayo mismo ay nasasaktan.
- Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul