Ebanghelyo: Mateo 14:22-36
Pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Nang makasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
Pagninilay:
Kapanalig, may napakagandang aral sa pagsumamo ni Pedro sa Mabuting Balita ngayon: “Panginoon, sagipin Mo ako.” Hindi siya nagkunwaring kaya pa niya. Hindi siya nahiyang humingi ng tulong. At ganoon din ang imbitasyon sa iyo ng Diyos. May natatanging biyaya sa sandaling mapagpakumbaba nating sabihin, “Panginoon, hindi ko na kaya. Ikaw na ang bahala.” Madalas, ang tunay na katatagan ay hindi ang piliting kayanin ang lahat. Ang tunay na katatagan ay ang magkaroon ng lakas ng loob na isuko sa Diyos ang hindi mo na kayang dalhin.
Di ba, napapansin mo ring kapag binitiwan mo na ang mga bagay na pilit mong kinokontrol, at buong tiwala mong isinuko ang mga ito sa Diyos, doon mo mararanasan ang Kanyang kapayapaan, kapahingahan at pagmamahal?
Simple ngunit napakalalim ng itinuturo sa atin ng Ebanghelyo ngayon: sa gitna ng anumang unos, huwag nating ituon ang ating mga mata sa laki ng alon o sa ating kahinaan, kundi kay Hesus. Hindi masamang aminin na may mga sitwasyong hindi talaga natin kayang solusyonan mula sa sarili nating talino o lakas. Tanging si Hesus ang hahawak, aakay, at magdadala sa atin patungo sa ligtas na pampang.
- Sr. Raine Santos, fsp | Daughters of St. Paul