Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 8, 2026 – Sabado

Ebanghelyo:  Mateo 17:14-20

Lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.” Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling n’yo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon. Pagkatapos ay nilapitan ng mga alagad si Jesus, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat kakaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sana sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyong ngayon, hindi mapagaling ng mga alagad ang batang sinaniban ng demonyo. Hindi napagaling ang bata dahil sa kakulangan ng pananampalataya. Sinabi ng Panginoong Jesus sa kanila, “Kung mayroon kayong pananampalatayang kasinglaki ng buto ng mustasa, walang magiging impossible sa inyo.” Madalas din tayong panghinaan ng loob sa harap ng mga pagsubok, problema, at mga panalanging tila hindi nasasagot. Ngunit inaanyayahan tayo ni Jesus na huwag sukatin ang ating pananampalataya sa laki nito, kundi sa lalim ng ating pagtitiwala sa Diyos. Ang maliit na pananampalatayang inaalagaan at inihahandog sa Panginoon ay kayang maglipat ng mga bundok ng takot, pag- aalinlangan, at pangamba. Hindi naghahanap ang Diyos ng perpektong pananampalataya, kundi ng pusong handang magtiwala sa Kanya.

Manalangin tayo: Panginoong Jesus, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya. Sa mga oras ng pag-aalinlangan at kahinaan, turuan Mo po akong magtiwala sa Iyong kapangyarihan at pagmamahal. Nawa’y maging matatag ako sa pananalig at laging umasa sa Iyo, sapagkat walang imposible sa Iyo. Amen.

  • Sr. Edith Ledda, fsp | Daughters of St. Paul