Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 7, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mateo 16:24-28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”

Pagninilay:

Napapanahon ang sinasabi ng Mabuting Balita ngayon. Sa harap ng mga isyu sa corruption, impeachment trial at pagpapalaganap ng fake news para kumita ng malaking pera kahit na ikasisira ito ng kapwa, mahalagang maunawaan natin kung alin ba talaga ang higit na mahalaga sa buhay. Maaaring malaki ang kita ng mga paid trolls at fake news content creators kahit paupo-upo at pakape-kape lang sa bahay. Pero saan kaya nito dadalhin ang kanilang kaluluwa kapag namatay na sila? Maaaring puno ng karangyaan ang pamilya ng mga corrupt, presko ang buong kabahayan dahil sa aircon, pero malamig din kaya sa pupuntahan ng kanilang kaluluwa? Sabi ni Jesus sa verse 26, “Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili?” Kapanalig, hindi umiwas sa krus si Jesus na anak ng Diyos. Hindi siya nag-shortcut para makamtan ang kaluwalhatian ng pagkabuhay-muli. Kaya hinahamon din niya tayo na pasanin ang ating krus sa buhay. Huwag tayong matakot dumaan sa hirap kung nais nating makamtan ang ginhawa. Lumaban tayo nang patas sa buhay at mamuhay nang malinis sa kabila ng ating mga kahinaan. Muli tayong bumangon tuwing magkakasala dahil sabi nga sa verse 27, “Sa panahong iyo’y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito.”

  • Sr. Lou Ranara, fsp | Daughters of St. Paul