Ebanghelyo: Mateo 17:1-9
Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus .
Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias.
Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.”
Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.
Pagninilay:
Nasubukan mo na bang mag-hiking? Simula noong nag-aaral pa lang kami ng theology at maging noong pari na kami, nagkakaroon kami ng pagkakataon na umakyat ng bundok. Sa simula mukhang exciting ang umakyat ng bundok. Subalit habang tumatagal, tumataas at humihirap ang daan, doon na kami napapatanong, Bakit nga ba natin ginagawa ito? Bakit nga ba tayo nagpapakahirap nang ganito? Bakit tayo nandito? Subalit kapag naabot na ang tuktok ng bundok at nakita ang ganda sa taas nito, tila nagkakaroon ng kasagutan ang lahat. Nagkakaroon ng saysay ang paghihirap at napapawi ang pagod.
Ganoon din ang kapistahan na ipinagdiriwang natin ngayon. Ang transfiguration o pagpapalit-bihis ni Hesus sa tuktok ng bundok ang nagbibigay kasagutan at saysay sa dadanasing paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo. Sapagkat ang bundok ng transfigurasyon ay karugtong ng bundok ng kalbaryo. Hindi kamatayan at paghihirap ang dulo ng kwento. Ipinapakita sa atin dito na ang tagumpay at kaluwalhatian ni Kristo ang dulo at katapusan ng kwento. Subalit hindi lang ito para kay Hesus, higit para ito sa ating sumusunod sa kanya. Madalas nabibigatan din tayo sa ating mga krus, subalit ang kaluwalhatian na nakita ng mga alagad ang siyang nagbibigay sa atin ng lakas para magpatuloy at manatiling tapat bilang mga Kristiyano. Ang kapistahang ito nawa ang magpa-alala sa atin kung ano ang naghihintay sa mga matapat sa susunod kay Hesus.
- Fr. Keiv Aires Dimatatac, ssp l Society of St. Paul