Ebanghelyo: Mateo 15:21-28
Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon ang nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw nang sigaw sa likod natin.” “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa kanya at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.”; “Babae, napakalaki ng iyon pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
Pagninilay:
Sa Mabuting Balita ngayon, isang inang Cananea ang lumapit kay Jesus. Wala siyang hiningi para sa kanyang sarili. Paghihirap ng kanyang anak ang laman ng kanyang puso. Sumigaw siya, nagmakaawa, at kahit tila nanahimik si Jesus sa simula, hindi siya tumigil. Mas malakas kaysa sa hiya, pagod, o pagtanggi ang pag-ibig ng isang ina.
Sa paggunita natin sa Pagtatalaga ng Basilika ng Mahal na Birheng Maria sa Roma, naaalala rin natin ang puso ng ating Mahal na Inang Maria. Tulad ng babaeng Cananea, isang Inang marunong lumapit sa Diyos para sa kanyang mga anak ang Mahal na bIrheng si Maria. Sa kasalan sa Cana, nakita niya ang pangangailangan ng iba bago pa nila ito sabihin. Hanggang ngayon, hindi siya nagsasawang ihatid tayo kay Jesus at sabihing: “Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo.
” Marami ring “ina” sa ating panahon, hindi lamang ‘yung mga nagluwal ng anak. May mga taong araw-araw na nag-aalay ng sarili para sa iba: mga magulang, guro, pari, madre, caregiver, kaibigan, at lahat ng may pusong marunong kumalinga. Madalas, tahimik ang kanilang sakripisyo at walang nakakakita ng kanilang mga luha. Ngunit nakikita ito ng Panginoon.
Ano ang matututunan natin sa babaeng Cananea? Hindi siya sumuko nang tila nanahimik ang Diyos. Minsan, ganoon din ang ating karanasan. Nagdarasal tayo para sa isang mahal sa buhay na may sakit, naliligaw, o sa isang suliraning tila walang solusyon. Hindi kawalan ng pagmamahal ang katahimikan ng Diyos. Maaaring kumikilos Siya sa paraang hindi pa natin nauunawaan.
Mga kapanalig, ilagay natin ngayong araw, ang ating mga mahal sa buhay sa mga kamay ni Jesus sa tulong ng ating Inang Maria. Hindi kailanman bibiguin ng Diyos ang pusong marunong magtiwala at maghintay. Laging nakararating sa puso ni Jesus ang panalanging nagmumula sa pag-ibig.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul