Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 10, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Juan 12:24-26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, nananatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay naman ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan ito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo. Sundan ako ng naglilingkod sa akin, at kung nasaan ako naroon din ang tagapaglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.”

Pagninilay:

May inalagaan akong isang binhi sa loob ng tatlumpung taon. Ito sya – isang binhi ng pino. Kung naitanim ko ito noon, sana isa na itong malaking puno ngayon na nagbibigay ng sariwang hangin sa mundo. Ngunit hindi ko naipunla, kaya heto, walang saysay. Bawat tao ay katulad ng isang binhi na nagtataglay ng buhay; buhay dito sa lupa at sa walang hanggan. Nakatakda itong mamunga at maging kapaki-pakinabang. Ngunit kailangang maibaon bilang binhi upang tumubo at mamunga ng kabanalan. Iyon ang sagot ni Jesus sa mga Hentil na gusto siyang makita: “Ang butil ng trigo ay kailangan munang mamatay upang mamunga. Pinatunayan niya ito sa kanyang buhay: namatay siya upang magbigay buhay. Ito rin ang hinihintay niya sa mga sumusunod sa kanya. Kung gusto nating makapagbigay buhay at makarating sa buhay na walang hanggan, kailangang tanggapin natin ang mga sakripisyo dito sa lupa. May mga bagay na mahirap talikuran kasi nagpapasaya ng ating buhay. Kung dahil sa labis nating pag-uukol ng atensyon dito, nakakaligtaan natin ang ating buhay espiritwal, baka hindi tayo makarating sa buhay na walang hanggan! Tinatawagan tayong lumago upang maging ganap sa kabanalan at paglilingkod sa kapwa. Kapanalig, ano ang dapat mamatay sa iyo upang mapabilis ang paglago at maging daluyan ng buhay na totoo?

Manalangin tayo: Panginoon, liwanagan Mo po kami at bigyan ng lakas espiritwal na mamatay sa masama at mabuhay sa kabanalan. Amen.

– Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul