Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 11, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10, 12-14

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging tulad ng maliliit na bata ay hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. “Huwag n’yo sanang hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng Aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay n’yo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala ang isa man sa maliliit na ito.”

Pagninilay:

Sa Mabuting Balitang ating narinig, tinanong ng mga alagad si Jesus: “Sino ba ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Marami rin sa atin ang may ganitong tanong, kahit hindi natin direktang sinasabi. Madalas nating isipin na ang pagiging dakila ay nakikita sa posisyon, tagumpay, impluwensya, o pagkilala ng ibang tao.

Tinawag ni Hesus ang isang bata at inilagay sa gitna nila. Ipinakita Niya na ang tunay na kadakilaan ay hindi nasusukat sa kapangyarihan kundi sa kababaang-loob, pagiging simple, at pagtitiwala sa Diyos.

Sa ating pang-araw-araw na buhay, may tendency tayo na ikumpara ang sarili sa iba. Gusto nating mapansin, mapuri, o makilala. Pero sa Mabuting Balita sa araw na ito, inaanyayahan tayo ni Jesus na mamuhay nang may kababaang-loob; maglingkod nang hindi naghihintay ng kapalit, makinig sa iba, at unahin ang kabutihan nila kaysa sariling kapakanan.

Kapanalig, pinaaalalahanan din tayo ni Jesus na huwag maliitin ang mga kapatid nating nasa laylayan. Maaaring sila ang mga bata, matatanda, mahihirap, may sakit, o kahit sinong tila hindi napapansin ng lipunan. Sa mata ng Diyos, mahalaga ang bawat tao. Minsan, isang simpleng pakikinig, pagngiti, o pagtulong lamang ang kailangan upang maramdaman ng isang tao na mahalaga siya at minamahal.

In the parable of the lost sheep, ipinakikita ni Jesus na hindi sumusuko ang Diyos sa sinuman. Kapag may naliligaw, hinahanap Niya ito. Ganoon din ang hamon sa atin: huwag agad humusga o lumayo sa mga taong nagkamali, kundi sikaping unawain, samahan, at tulungang makabalik sila sa tamang landas.

Kapanalig, isipin natin kung sino sa ating paligid ang madalas hindi napapansin: maaaring isang kapatid sa komunidad, miyembro ng pamilya, katrabaho, o kapitbahay. Maglaan ng oras upang kausapin siya, pakinggan, o tulungan sa isang simpleng paraan. Sa paggawa nito, nagiging larawan ka ng Mabuting Pastol na naghahanap at nagmamahal sa bawat nawawalang tupa.

  • Sr. Pinky Barrientos, fsp | Daughters of St. Paul