Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 15, 2026 – Sabado

Ebanghelyo: Lucas 1:39-56

Nagmamadaling naglalakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: Lubos kang pinagpapala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon. At sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapaglistas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman. Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

Pagninilay:

Isinulat ni Fr. Tuzzi Flores ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Ipinagdiriwang natin ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Una sa lahat magandang linawin natin ang pagkakaiba ng Pag-akyat ni Hesus sa Langit na tinatawag na Ascension sa wikang Ingles, at ang Pag-aakyat kay Maria na tinatawag namang Assumption. Ang Pag-akyat ni Hesus sa Langit ay nangyari sa sarili niyang kakayahan at kapangyarihan. Sa madaling Salita “umakyat” si Hesus sa langit 40 araw matapos na siya’y muling mabuhay. Sa kabilang banda naman, si Maria ay “iniakyat” sa langit, hindi sa sarili niyang kapangyarihan, kundi bunga ito ng kapangyarihan at kagandahang-loob sa kanya ng Diyos. Para kay Maria, ang lahat ay biyaya lamang ng Diyos sa kanya kaya nga sinabi niya: “… nilingap niya ang kababaan ng kanyang lingkod… gumawa sa akin ang Makapangyarihan sa lahat ng mga dakilang bagay.” Sa awit na ito ni Maria, ipinahahayag niya ang Diyos na nagtatampok o nag-aangat sa mga balewala, maliliit at mga dukha, pero may malaking pananampalataya at pagtitiwala naman sa Diyos. Kung ganun ang Pag-aakyat sa Langit kay Maria ay isang kapistahan ng pag-asa. Ang langit ay hindi lamang sa para sa mga taong may kamangha-manghang kabanalan. Ito’y para rin sa kahit sinong katulad ni Maria na may kababaang-loob, nagtitiwala sa salita ng Diyos, naglilingkod sa kapwa nang may kagalakan, at nanatiling tapat at umaasa sa Diyos, sa kabila ng mga hamon at pagsubok sa buhay.

  • Fr. Tuzzi Flores, ssp l Society of St. Paul