Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 14, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mateo 19:3-12

Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo na hangad siyang subukan, at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” “Hindi ba ninyo nabasa na sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at sinabi rin nitong iiwanan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at pipisan sa kanyang asawa, magiging iisang katawan ang dalawa? Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang; kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ang babae ng kasulatan ng diborsiyo bago siya paalisin?” “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya pinayagan kayong diborsiyuhin ang inyong mga asawa, ngunit hindi ganito sa simula. At sinasabi ko naman sa inyo: kung may magpaalis sa kanyang asawa, malibang dahil sa pagtataksil, at saka magpakasal sa iba, nakiapid na siya.” Sinabi naman ng mga alagad: “Kung iyan ang itinatadhana para sa lalaking may-asawa, walang pakinabang sa pag-aasawa.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi matatanggap ng lahat ang salitang ito, kundi ng mga pinagkalooban lamang nito. May ilang ipinanganak na hindi makapag-aasawa. May iba namang ipinakapon ng tao. At may iba ring tumalikod sa pag-aasawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Tanggapin ito ng puwedeng tumanggap.”

Pagninilay:

Ang tanong ng mga Pariseo kay Hesus: “Maaari bang mag-divorce anuman ang dahilan?” Malinaw ang sagot ng Panginoon: “Mula pa sa simula,  pinag-iisang laman ang disenyo ng Diyos sa Sakramento ng Kasal” . Pinag-isang puso na hindi dapat paghiwalayin ninuman. Naalala ko ang payo ng aking ina: “Anak, ang kasal ay hindi isang kutsarang kanin na kapag mainit agad mong iluluwa.” Sinabi niya iyon dahil mayroon ding challenges ang marriage nila ng aking ama.  May panahon na hindi sila nagkakasundo. Naririnig ko na doon sila sa kwarto nag-aargumento at nagdidiskusyunan. Pero sa huli, sila pa rin ang kanilang “palagi”. Bumabalik sila sa yakap ng isa’t isa. Kahit maraming tukso, pagsasama pa rin nila ang paborito nilang desisyon. Alam kasi nila na naka-angkla ang kanilang kasal kay Hesus Maestro. Siya ang Kristong Hari na nakaluklok sa altar ng aming tahanan. Teka, paano kung may nasasaktan na, may nabibiktima, may pang-aabuso na? Oo, may karapatan ang tao na protektahan ang sarili at pamilya. Karapatan ding ipagtanggol ang dangal, kalayaan, kapayapaan. Pero epektibo nga ba ang diborsyo? Sana ang batas na pangmakatao ang isulong. Nagbibigay ito ng proteksyon, nagtatanggol sa biktima, at handang humilom ng sugatang pamilya. Dito, hindi mo sinisira ang disenyo ng Diyos. Ang inyong buhay pa nga ang may pagkakataon na maiayos.

  • Sr. Gemma Dela Cruz, fsp | Daughters of St. Paul