Mabuting Balita l Agosto 13, 2026 – Huwebes
Ebanghelyo: Mateo 18:21-19:1
Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba? Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu’t beses. Tungkol sa Kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang ng sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang na mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng ‘Bayaran mo ang utang mo! Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: Bigyan mo paako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo. Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat mong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo? Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapaghirap hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang. Idinagdag ni Jesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid. Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa probinsiya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Joy Ingrid Montes ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Napatawad mo na ba yung taong nakasakit o nagkautang sa iyo? Naka-move on ka na ba at nakapag-let go? Baka naman pabalik-balik at paulit-ulit mo lang inaalala at pinapalala yung mga sakit at sugat na nandiyan pa rin at naiwan sa puso mo. Kailan ka kaya magpapatawad, o di kaya’y hihingi ng tawad at magsasabi na “sorry nasaktan kita; sana mapatawad mo ako”? Hindi madaling magpatawad lalo na kung nasaktan ka ng isang taong mahal mo at malapit sa iyo. It takes time, courage and humility. May mga taong mabilis magpatawad at mayroon naman hanggang sa kamatayan ay hindi na nakapag-patawad.
Sa Ebanghelyo narinig natin, nagtanong si San Pedro sa ating Panginoon kung ilang beses ba dapat magpatawad kung nagkasala ang ating kapwa: hanggang pitong ulit ba? Ang tugon ng Panginoon ay hindi lamang makapito kundi makapitumpu’t pitong ulit. Ang pagmamahal at pagpapatawad ng Panginoon ay hindi masusukat. Minamahal at pinapatawad tayo ng Diyos sa kabila ng ating mga kasalanan at mga pagkukulang. Magpakumbaba at humingi tayo ng kanyang awa at grasya upang tayo rin ay makapagmahal at makapagpatawad tulad niya.
- Sr. Joy Ingrid Montes, fsp l Daughters of St. Paul