Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 26, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo: Mateo 23:27-32

At Sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas subalit puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi n’yo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana sumang-ayon na patayin ang mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa Mga Propeta. At ngayon, tapusin n’yo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!”

Pagninilay:  

Natutuwa ka bang makipagrelate sa mga taong mapagbalatkayo? Siguradong hindi, ano po? Hindi mo kasi alam kung ano ang nasa likod ng kanilang mga papuri at ngiti. Parang ahas na nagpapalit ng balat at kulay. Sa ebanghelyong napakinggan natin ngayon pati ang Panginoong Jesus ay galit na galit sa kanila. Samantalang panatag ang ating kalooban kapag bata ang ating kausap. Kasi ang mga bata. they say yes for a yes and no for a no. Ang taong namumuhay sa katotohanan ay parang malinaw na batis na nagsasalamin ng kalangitan. Maligaya siya at kaayaaya sa mga nakapaligid sa kanya. Ang pagmamahal sa katotohanan ay pagmamahal sa Diyos dahil ang Diyos ay Katotohanang walang hanggan. May mga yumayaman dahil sa pangungurakot at pandaraya. Pakinggan natin ang sinasabi ng Panginoon: “Ang gumagawa ng pandaraya ay hindi mananahan sa aking bahay. Ang nagsasabi ng kasinungalingan ay hindi magtatagal sa harap ko. Ang aking mga mata ay nakatunghay sa mga matapat sa lupa na tumatahan sa piling ko. ‘(Salmo 100:6-7). Kaya, sulit ba ang mag-enjoy ng karangyaan sa lupa kung hindi ka makakapasok sa kaharian ng Diyos? Sikapin nating maging totoo sa ating mga pananalita, pakikipag-ugnayan, at trabaho. Alagaan natin ang pusong dalisay.

Manalangin tayo: Panginoong Jesus, Katotohanang walang hanggan, turuan Mo kaming tahakin ang landas ng kalinisang-budhi upang maangkin namin ang buhay na walang hanggan. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul