Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 28, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Mateo 25:1-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!, Panginoon’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

Pagninilay:

Sa talinghagang ito, limang dalaga ang naging matalino sapagkat naghanda sila ng sapat na langis para sa kanilang ilawan, samantalang ang lima ay nagpabaya at hindi naging handa. Nang dumating ang kasintahang lalaki, ang mga handa lamang ang nakapasok sa piging. Malinaw ang mensahe sa atin, “Kaya’t magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”

Ang ating buhay Kristiyano ay isang patuloy na paghahanda sa pagdating ng Panginoon. Ang “langis” sa ating ilawan ay maaaring ang ating pananampalataya, panalangin, pagmamahal, at mabubuting gawa. Para kay San Agustin na kapistahan ngayon, ang “langis” ng matatalinong birhen ay kawanggawa o pag-ibig at isang matuwid na budhi. Ipinaliwanag niya na ang panloob na langis na ito ang kumakatawan sa mabubuting gawa dahil sa dalisay na pag-ibig sa Diyos, sa halip na para sa papuri ng tao.

Manalangin tayo: Panginoon, tulungan Mo po akong maging handa sa Iyong pagdating. Punuin Mo po ang aking puso ng pananampalataya, dalisay na pag-ibig at tapat na paglilingkod sa iyo at sa aking kapwa. Huwag Mong hayaang mapundi ang ilawan ng aking pag-asa at pagmamahal. Amen.

  • Sr. Edith Ledda, fsp | Daughters of St. Paul