Ebanghelyo: Marcos 6:17-29
Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo.” At sinumpaan pa niya ang pangakong ito: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nalungkot ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagninilay:
Nais kong ituon ang aking pagmumuni-muni sa dalawang tauhan sa Mabuting Balita ngayon. Una, ang pagtatanim ng galit ni Herodias kay Juan. Sabi verse 18 “Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng iyong kapatid!” Labag ito sa Sampung Utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises. Pero sa halip na magsisisi at ituwid ang pagkakamali, nagtanim ng galit si Herodias at naghintay ng pagkakataong makaganti. Kapanalig, nakita natin dito na maaaring magresulta sa isang malagim na krimen ang galit. Masakit ang katotohanan, pero ito ang pintuan tungo sa pagbabagong buhay.
Pangalawa, ang kayabangan ni Herodes. Sabi sa verse 22, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” Ito ang mayabang niyang regalo sa anak ni Herodias na sumayaw sa kanyang birthday. Ang kanyang kayabangan ang nagbigay kay Herodias ng pagkakataon upang ipapatay si Juan Bautista. Kapanalig, ang kayabangan ay maaaring magdala ng kapahamakan.
Additional: Hindi masama ang pagkakaroon ng word of honor. Isa itong mahalagang katangian. Kaya ang hamon sa atin ay maging maingat sa pagbibitiw ng anumang salita na maaaring ikapahamak natin at ng ating kapwa, lalo na ’yong mga pangakong binibitawan sa harap ng maraming tao na mahirap nang bawiin.
- Sr. Lou Ranara, fsp | Daughters of St. Paul