Ebanghelyo: Mateo16:21-27
Ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede.” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa.
Pagninilay:
Ibinahagi ni Fr. Tuzzi Flores ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Isipin ninyong isa kayo sa mga alagad ni Hesus at naroroon kayo nang sabihin niyang “Kailangan kong pumunta sa Jerusalem at doon pahihirapan nila ako at papatayin. Pero mabubuhay naman ako uli sa ikatlong araw”… Palagay ko, katulad ni Pedro, magpoprotesta din kayo at sasabihin n’yo “Hindi maaaring mangyari yan Panginoon! Itinaya na namin sa ‘yo ang lahat. Paano na kami kung mamamatay ka?”
Pero sa halip na palakasin ni Hesus ang loob ni Pedro at sabihing “Relax ka lang,” pinagalitan pa niya si Pedro at tinawag na Satanas. Kasi nga, gawain ni Satanas o ng dimonyo na hadlangan ang anumang mabuting plano ng Diyos. Ang salitang “kailangan” na sinabi ni Hesus ay nagmula sa salitang Griyego na dei na hindi nangangahulugang “kapalaran” lamang, kundi ang pagtupad sa kalooban ng Diyos. Samakatuwid, ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus ay mangyayari una at higit sa lahat, dahil sa mahiwagang pagpapasya ng makapangyarihang Diyos.
Mga kapatid/kapanalig, inaanyayahan tayo ng ebanghelyo ngayon na magnilay at usisain ang ating mga sarili: “Ang mga ginagawa natin, mga pamamaraan at mga binabalak ay naaayon ba sa kalooban ng Diyos, sa mga turo ni Hesus sa Ebanghelyo at sa karaniwang mga pamantayan ng tama, mabuti, matuwid at kapaki-pakinabang sa kapwa?” Mag-ingat tayo dahil may mga pagkakataong kahit maganda ang ating intensiyon, katulad ni Pedro, maaari rin tayong maging salungat o hadlang pa nga sa kalooban ng Diyos. Lalo na kung ang una nating kunsiderasyon ay kung ano ‘yung mas pabor sa sarili, mas madaling gawin o gusto ng karamihan para wala nang away. Kaya naman laging mahusay at tiyak na hindi tayo magkakamali kung susundin natin ang pamamaraan ng Panginoon – kalimutan ang sarili nating kagustuhan at mabuhay para kay Kristo at sa kapw,a kahit na mahirap gawin ito. Sa ganitong paraan, nagiging tunay na makabuluhan, mabunga at kasiya-siya ang ating buhay. Amen!
- Fr. Tuzzi Flores, ssp l Society of St. Paul