Daughters of Saint Paul

Mayo 17, 2017 MIYERKULES sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Pascual Baylon

Gawa 15:1-6 – Slm 122 – Jn 15:1-8

Jn 15:1-8

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga.

            “Malinis na kayo dahil sa wikang bingkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo.

             “Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab.

            “Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobin ninyo at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, alam kong nauunawaan nating lahat kung bakit ginamit ni Jesus na simbolo ng Kanyang sarili ang puno ng ubas.  Dahil tunay na kung wala Siya, o kung hiwalay tayo sa Kanya, wala tayong magagawang mabuti.  Ito ang dahilan bakit kinakailangan nating laging magdasal, para lagi tayong nakaugnay kay Jesus – ang puno ng ating pananampalataya.  Pero may paghamon sa atin na kahit na matatabang sanga, pinuputol din.  Tayo, kahit na ano’ng lalim na ng pananampalataya natin, kailangan din tayong maputol.  Sanctification o proseso ng pagpapabanal ang tawag dito sa wikang Ingles.  Kapag nasasaktan tayo, daan ito ng kabanalan.  Kadalasan, nauubusan pa tayo ng lakas na kailangan din ng pakikiisa natin.  Pero pagkatapos noon, muli ulit tayong lalakas.  Kung tatanawin naman natin ito sa konteksto ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, nagbubunga ito sa mga mabubuti na naipapadama natin sa ating kapwa.  Pinag-isa na tayo ni Jesus sa Kanya at nakasalalay sa atin ang pagpapalaganap ng pag-ibig ni Jesus sa mundo.  Sabi nga ni Santa Teresa ng Avila na ginawang kanta ni Michael Talbot, Ang katawan mo na ang katawan ni Jesus.  Ang mata mo ang mata ni Jesus na nahahabag sa mundo.  Ang paa mo ang Kanyang paa na lumalakad para maghanap at tulungan ang iba.  Ang kamay mo ang Kanyang kamay na nagbubuhos ng pagpapala sa lahat.  Kaya’t manatili tayo kay Jesus.  Kung wala Siya, wala tayong buhay… wala tayong lakas… wala tayong pag-ibig.  Hilingin natin ngayon ang panalangin ni Maria na Birheng puno ng katapatan.  Sa tulong niya, tiyak na mananatili tayo kay Jesus.