Daughters of Saint Paul

Mayo 18, 2017 HUWEBES sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Juan I, Papa at martir

Gawa 15: 7-21 -Slm 96 – Jn 15:9-11

Jn 15:9-11

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Tulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin n’yo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko tulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal.

             “Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak n'yo.”

PAGNINILAY

Tunay na napakadakila ng pag-ibig ng Diyos Ama sa atin, na Kanyang ipinahayag sa pamamagitan ng Anak at pinananatili sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.  Gayon na lamang ang pagmamahal ng Diyos Ama sa atin; kailanman hindi Siya nagtatampo o nagkikimkim ng sama ng loob kahit paulit-ulit tayong nadadapa at nagkakasala.  Pinatunayan Niya ang dakilang pagmamahal na ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ng Kanyang bugtong na Anak para tubusin tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan. At para palakasin ang ating buhay espiritwal at mamuhay tayo sa kabanalan, pinadala Niya ang Banal na Espiritu para manahan sa ating puso. Magpahanggang ngayon, hindi kumukupas at walang hanggan ang pagmamahal ng Diyos Ama sa atin.  Hangad Niyang lagi ang ating kaligtasan.  Pero hindi Niya ito ipinipilit sa atin.  Malaya tayong tanggapin o tanggihan ang handog Niyang kaligtasan.  Mga kapatid, ang ating dignidad bilang tao nakasalalay sa katotohanang labis tayong minahal ng Diyos. At tinubos na tayo ng mahal na dugo ng kanyang pinakamamahal na anak.  Kung lagi nating isasapuso’t isip ang katotohanang ito, walang dahilan para hindi natin ito suklian ng pagmamahal. Mananatili tayo sa pagmamahal ng Panginoon at sisikaping sundin ang Kanyang mga utos.  Hangga’t hindi natin personal na nararanasan na labis tayong minahal at pinatawad ng Diyos o ng ating mahal sa buhay, hindi rin tayo matututong magmahal at magpatawad sa ating kapwa.  Ika nga sa kasabihan sa Ingles, “we cannot give what we do not have.”  Kung nag-uumapaw sa pagmamahal at kagalakan ang ating puso at buong pagkatao, marapat lamang na maibahagi natin ito sa iba.  Panginoon, puspusin Mo po ng pagmamahal ang aking puso, nang maibahagi ko ang pagmamahal na ito sa kapwa.  Gawin Mo po akong mapagpatawad at mapagmahal lalo na sa mga taong mahirap mahalin at unawain.  Amen.