Daughters of Saint Paul

Mayo 19, 2017 BIYERNES sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Dunstan

 

Gawa 15:22-31 – Slm 57 – Jn 15:12-17

Jn 15:12-17

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan niya.

             “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama.

            “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko.

“Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ano ba ang pag-ibig ng Diyos?  Matinding magmahal ang Diyos.  Hindi Siya sumusuko.  Nagmamahal kahit na ano’ng pagkakasala ang nagagawa natin.  Personal Siya kung magmahal.  Sa pagpapakasakit Niya at pagkamatay sa krus, inialay Niya ito sa bawat isa sa atin at sinakop na Niya pati tayo sa Kanyang pagliligtas at sa mga susunod pang salinlahi.  Makapangyarihan ang pagmamahal Niya. Dahil anumang iwas at pagkakaila natin sa Kanya, pilit natin Siyang mararamdaman.  Tumatagos sa ating kalooban.  Pang habambuhay ang pag-ibig ng Diyos.  Hindi siya nagbabago.  Kung ano ang pagmamahal na ipinakita Niya sa simula, gagawin Niya ito hanggang sa muli nating pagkabuhay.  Labis-labis din kung magmahal ang Diyos.  Pati buong buhay Niya inialay para lang sa atin.  At ngayon, pinapa-alalahanan Niya tayong maging saksi ng Kanyang pagmamahal sa atin.  Magmahal din tayo na hindi sumusuko, at marunong magpatawad.  Mapagod man ang puso natin, ipagpatuloy natin ang nasimulan nating pang-unawa at muli tayong makipagkasundo.  Maging personal at maging bukas tayo sa matalik na pakikipag-ugnayan na may pagtitiwala at pagtanggap sa iba.  Ipadama natin na ispesyal sila sa atin.  Ipadama natin sa kalooban ng ating kapwa ang kabutihan ng Diyos sa pamamagitan natin. Kalimutan natin ang pagkamakasarili at matuto tayong magparaya.  Ito ang inaasahan sa atin ni Jesus, at dito kailangan ang matatag na pananampalataya natin sa Panginoon.  Dahil hindi natin ito kaya kung wala Siya.  Tandaan natin na Siya mismo ang humirang sa atin na maging saksi ng pagmamahal.  Sino tayo para tumalikod sa Kanya at isawalang-bahala ang Kanyang paanyaya?