Ebanghelyo: Lucas 6: 1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Hesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Hesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba n’yo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
Pagninilay:
Ano ba talaga ang ibig sabihin ng Sabat o araw ng pamamahinga? Sa pang-unawa ng mga Judio noon, inilalaan ang Sabat para sa Diyos, para mas mapalapit tayo sa Kanya. Pero nang lumipas ang panahon, naging sobrang mahigpit ang interpretasyon nito: bawal na kahit magluto, bawal pumitas ng pagkain, kahit gutom ka na. Pero hindi ‘yun ang kalooban ng Diyos. Kaya nang “nilabag” umano ni Hesus at ng mga alagad niya ang Sabat, ipinaliwanag niya na hindi naman talaga sila lumalabag sa Diyos, kundi sa maling pagkaunawa sa Batas. At higit pa rito, sinabi niyang siya mismo ang Panginoon ng Sabat. Ibig sabihin, ang tunay na kapahingahan na hinahanap natin, ay makakamit lang natin kay Hesus.
Siya mismo ang nagsabi, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagod at lubhang nabibigatan, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” Kung susunod tayo sa Kanyang gabay, kung matututo tayo sa Kanya na mapagpakumbaba at maamo, matatagpuan natin ang kapahingahan ng ating kaluluwa.
Ginugunita ng Simbahan ngayon si Santa Teresa ng Calcutta, isang taong tunay na “baliw” para kay Kristo, kung baga. Baliw sa mata ng mundo, dahil sa sobrang radikal na pagbibigay niya ng buong sarili kay Kristo. Hinayaan niyang si Kristo ang maging liwanag niya, at ang uhaw ni Hesus ay naging sariling uhaw din niya. Saan nanggaling ang “kabaliwang” ‘to ni Santa Teresa? Sa Eukaristiya. Doon niya kinuha ang lakas, ang karunungan, at ang pag-ibig na dala-dala niya bilang misyonera sa buong mundo. Sabi niya, para maging tunay na sakripisyo ng pag-ibig ang buhay natin, kailangan nating isabuhay ang diwa ng Banal na Eukaristiya: ihandog ang sarili kasama ni Kristo, para mahati at maibigay sa pinakamahirap sa mahihirap, simula sa mga taong kapiling natin araw-araw. Matibay ang paniniwala niya sa tunay na presensya ni Hesus sa Eukaristiya. Sabi niya: “Kapag naitatak sa puso mo na si Hesus ay narito sa tabernakulo, natural lang lalapit ka sa Kanya; wala nang iba.” Doon niya kinuha ang tapang para maging “baliw” sa paglilingkod.
Kaya, mga kapanalig, dalawa ang hamon sa atin ngayon. Una, huwag nating hayaang maging pabigat ang relihiyon natin na parang batas lang na kailangan lang sundin. Matatagpuan ang tunay na kabanalan at pahinga kay Kristo lamang kapag hinayaan nating Siya mismo ang mamuno sa buhay natin, hindi ang ating sarili.
Pangalawa, tularan natin si Santa Teresa: tumigil tayo, kahit ilang minuto lang ngayong araw, sa harap ng Banal na Sakramento. O kung wala tayong access dun, sa panalangin: pakinggan natin ang uhaw ni Hesus. Pagkatapos, lumabas tayo, at hanapin natin ang “pinakamahirap sa mahihirap” sa ating paligid: maaaring kapitbahay, katra-baho, o kapamilya na kailangan lang ng kaunting oras at pansin natin. Doon, mararanasan din natin ang totoong kapahingahan na ipinangako ni Hesus, na matatagpuan lang sa Kanya.
- Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul