Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 4, 2026 – Biyernes

Ebanghelyo: Lucas 5: 33-39

Sinabi ng mga Pariseo at mga guro ng Batas kay Hesus: “Madalas mag-ayuno at may mga panalangin ang mga alagad ni Juan, at gayon din naman ang mga alagad ng Pariseo; kumakain naman at umiinom ang mga iyon.” Kaya sinabi ni Hesus sa kanila: “Hindi n’yo mapag-aayuno ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo, di ba? Ngunit darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” Sinabi pa ni Hesus sa kanila ang isang talinghaga: “Walang pumuputol ng panagpi mula sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kung hindi’y napupunit na ang mga bago at hindi pa magiging bagay sa lumang damit ang tagping mula sa bago. At wala ring naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung hindi’y sisirain ng bagong alak ang mga lumang sisidlan kaya matatapon ang alak at masisira pati mga sisidlan. Sa halip ay sa mga bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak. Hindi naman humihingi ng bagong alak ang umiinom ng luma, sinasabi nga niya: ‘Ang luma ang siyang mabuti.’”

Pagninilay:

Tinanong si Hesus ng mga Pariseo: “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan, ang sa iyo ay kumakain at umiinom?” Ang sagot ni Hesus, “ Bakit sila mag-aayuno sa oras ng kasalan?” Sino ba ang ikinasal? Ang Diyos at ang sangkatauhan. Dumating na si Hesus – ang Manliligtas. Sa kanyang katauhan, sa kanyang sakripisyo sa krus, nabuo ulit ang ugnayan ng Diyos at ng tao na winasak ng kasalanan nina Adan at Eba. Dumating siya upang magpatawad, hindi magparusa. Ito ang magandang balita. Kaya, panahon na ng selebrasyon! Hindi isinantabi ni Hesus ang pag-aayuno. Ipinangaral niya ito. Ngunit iginiit niya sa mga alagad na sa pag-aayuno, maghilamos ng mukha, magsuklay ng buhok, at huwag magmukhang malungkot tulad ng mga Pariseo na ipinapakita sa lahat ang kanilang pagkadeboto upang maturing na mga banal.

Ang panlabas na debosyon ay dapat nakaugat sa pagmamahal sa Diyos, kaya dapat masaya. Hindi tutol si Hesus sa mga external practices of devotion. Ang binibigyan diin niya ay ang kalinisang panloob at pagmamahal. Huwag nating gawing pakitang-tao lang ang debosyon o kabutihan. Applicable din ito sa ating pagsunod sa mga utos ng Simbahan. Mahalaga  ang mga rules and regulations, kailangan natin itong tupdin. Ngunit kailangang suriin kung ginagawa natin ito dahil sa pagmamahal sa Diyos at kung nagbubunga ito ng pagmamahal sa kapwa, hindi ng pagmamalaki at panghuhusga sa iba. Ito ang bagong alak na dala ni Kristo Hesus. Kapanalig: kaya mo bang tanggapin ang bagong alak ni Hesus, ang maging mapagmahal, mapagpatawad at maunawain? Panginoong Hesus, hindi ko ito kaya sa aking sarili. Bigyan mo ako ng alak mo upang palitan ang aking makitid na pag-iisip at pusong makasarili. Amen.

  • Sr. Vangie Canag, fsp l Daughters of St. Paul