Ebanghelyo: Lucas 5: 1-11
Dinagsa si Hesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.”
At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon.
Nang makita ito ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Hesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Hesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
Pagninilay:
Kapag may biyaya kang natatanggap, saan ka nakatingin: sa biyaya lang ba, o dun sa nagbigay nito?
Sa Mabuting Balita ngayong araw, nakamit na ni Pedro ang pangarap ng lahat ng mangingisda. Ang makahuli ng napakaraming isda, na sa sobrang dami ay halos mapunit na ang kanilang mga lambat.
Kung siguro ibang tao ang nandoon, baka ang una nilang maisip ay: “Lord, bukas ulit ha. Dito mismo. Same time.” Dahil natural sa atin yan—kapag natikman mo ang tagumpay, gusto mo pa itong maulit. Kapag nakamit mo ang iyong pangarap, hindi mo ito bibitawan. Kapag napuno ang lambat, gusto mong punuin ulit ito.
Pero iba si Pedro. Sa pagkakataong nakamit niya ang pinakamalaking huli ng kanyang buhay, ay saka naman niya iniwan ang lahat ng ito—para sumunod kay Hesus.
Hindi dahil ayaw na niya sa isda. Hindi dahil hindi niya gusto ang tagumpay. Pero dahil sa likod ng punong lambat, may mas mahalaga siyang nakita: ang Diyos na nagpuno nito.
Ganito rin sa buhay natin. Kapag pinagpala tayo—sa trabaho, sa negosyo, sa pamilya, sa mga pangarap na natupad—may dalawang puwedeng mangyari. Puwede tayong mabulag sa biyaya at makalimutan ang Nagbigay. O puwede nating hayaan ang tagumpay na lalo tayong mailapit sa Diyos.
Si Pedro ay hindi kumapit sa biyaya. Kumapit siya sa Pinagmulan ng biyaya. Sana tayo rin.
Kaya marahil ang tanong ay hindi lang, “Ano ang nakuha ko?” kundi, “Mas nakilala ko ba ang Diyos dahil sa natanggap ko?”
Manalangin tayo:
Panginoong Hesus, sa bawat biyayang aming matanggap, huwag Mo kaming hayaang makalimot sa Iyo. Turuan Mo kaming mahalin ang Nagbibigay higit sa lahat ng Kanyang ibinibigay. Amen.
- Fr. Albert Garong, ssp l Society of St. Paul