Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Setyembre 2, 2026 – Miyerkules

Ebanghelyo:  Lucas 4:38:44

Pag-alis ni Hesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Hesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.                                               

Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas. Nang mag-uumaga na, lumabas si Hesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.

 

Pagninilay:

Narinig natin sa Mabuting Balita ang pagkakasakit ng biyenan ni Simon Pedro. Agad nila itong ipinagkatiwala kay Hesus at hiniling na pagalingin siya. At hindi naman ito ipinagkait ni Hesus. Ipinapaalala sa atin ng Gospel verse na ito na may pananagutan tayo sa isa’t isa. Ang tunay na pagmamahal sa kapwa ay nagtutulak sa atin na ipanalangin hindi lamang ang sarili nating mga pangangailangan kundi pati ang pangangailangan ng iba, lalo na ang mga may sakit, nanghihina, o may mabibigat na pinagdaraanan sa buhay. Ang pananalangin para sa isa’t isa ay isang konkretong pagpapakita ng pagmamahal at patunay na tayo ay tunay na magkakapatid kay Kristo.

Nakikita ni Jesus ang higit pa sa ating panlabas na kalagayan. Alam niya ang laman ng ating puso at pinakikinggan niya ang bawat panalanging iniaalay nang may pananampalataya. Ang kanyang pagpapagaling sa mga taong lumalapit sa kanya ay hindi lamang para sa karamdaman ng katawan kundi pati sa mga sugat ng ating kalooban: takot, sama ng loob, kalungkutan, panghihina ng loob, at espirituwal na pagkauhaw. Ayon nga sa aming founder na si Blessed James Alberione, “Si Jesus na Guro ang siyang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay.” Kapag inilalapit natin sa kanya ang ating sarili at ang ating kapwa, binabago at pinalalakas niya tayo upang muling makatayo at maglingkod nang may bagong sigla, tulad ng biyenan ni Simon Pedro matapos siyang pagalingin ni Jesus.

Kapanalig, hinahamon tayo ng Mabuting Balita na maging mga taong laging nananalangin para sa kapwa at nagdadala ng kanilang mga pasanin sa Panginoon. Tulad ng sinabi ni San Pablo sa mga taga Galacia, “Magtulungan kayo sa pagbubuhat ng pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Kristo” (6:2). Magtiwala tayo na naririnig ni Jesus ang bawat taimtim na panalangin. Ipagkatiwala natin sa kanya ang mga may sakit, ang mga pagod na, at ang lahat ng nangangailangan ng healing, sapagkat ang kanyang mahabaging puso na puno ng pag-ibig ay patuloy na nagbibigay ng bagong buhay at pag-asa.

  • Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughters of St. Paul