Ebanghelyo: Lucas 4:31-37
Bumaba si Hesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas. “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!”, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Pagninilay:
Gaano mo na ba kakilala si Hesus, kapanalig? Sa Mabuting Balita ngayon, tila mas kilala pa si Hesus ng demonyo kaysa sa mga taong nakapaligid sa kanya na nakasaksi ng kanyang mga nakamamanghang ginawa. Natakot ang mga tao matapos palayasin ni Hesus ang demonyong sumanib sa tao. Sabi sa verse 36, “Silang lahat ay natakot at nag-usap-usap. Ano kaya ang pananalitang ito?” Samantalang sumigaw naman ang demonyo bago ito pinalayas ni Hesus, “Anong pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Nababatid kong ikaw ang Banal ng Diyos”. What an irony! Tumpak ang kanyang sinabi ukol kay Hesus. Pero alam natin na kahit kilala ng demonyo si Hesus, hindi naman ito sumasampalataya at sumusunod sa kanya. Hala! Ganito pala ang demonyo. Tayo kaya, kapanalig! Sumasalamin ba sa ating pananampalataya ang ating mga kilos at pananalita? O baka, hindi tayo nalalayo sa ugali ng demonyo? Kilala nga si Hesus, pero hindi naman sumusunod sa mga mabubuting aral at halimbawa ni Hesus. Kapanalig, hinahamon tayo ng Mabuting Balita ngayon na maglaan ng panahon upang higit pang mapalalim ang pagkakakilala at pakikipag-ugnayan kay Hesus. Ang pag-aaral ng salita ng Diyos, pagsisimba regularly, at pakikinig sa Mabuting Balita ay ilan lang sa mga paraan upang higit nating makilala at matularan si Hesus.
Panalangin: Panginoong Hesus, tulungan mo po akong higit kang makilala upang mas maging malalim ang pananampalataya ko sa iyo. Nawa’y maipakita ko sa aking gawa at salita na ako’y iyong tapat na alagad, Amen.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul