Daughters of Saint Paul

Hunyo 07, 2017 MIYERKULES Ikasiyam na Linggo ng Taon San Landulfo

 

Tb 3:1-11a, 16-17a  – Slm 25 – Mk 12:18-27

Mk 12:18-27

Lumapit kay Jesus ang mga Sadduseo. Sabi ng mga ito’y walang pagkabuhay na muli kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya ikinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Namatay nga silang pito nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay rin ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay—kung mabubuhay silang muli—kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”

            Sumagot si Jesus: “Hindi kaya bunga ng hindi n’yo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit.

            At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi n’yo ba inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanata ng palumpong: “Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob”? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, binubuo ang mga Sadduseo ng mga pamilya ng mga Punong-Pari at mga kilalang angkan ng mga layko sa Jerusalem.  Hindi sila naniniwala sa Muling Pagkabuhay.  Dahil hindi ito binabanggit sa unang limang aklat ng Biblia ng mga Hebreo, na kanilang pinaniniwalaan.    Kaya naman narinig nating sinabi ni Jesus sa Ebanghelyo, na hindi nauunawaan ng mga Sadusseo ang Banal na Kasulatan. Ipinalalagay kasi nila na ang kabilang-buhay, pagpapatuloy lamang ng buhay dito sa lupa.   Ang totoo, magkaiba ang kabilang buhay at ang buhay sa kasalukuyan. Kaya’t hindi na mag-aasawa ang mga lalaki o babae.  Magiging tulad sila ng mga anghel sa Langit.  Binanggit din ni Jesus ang kuwento tungkol sa naglalagablab na punongkahoy sa bundok ng Horeb upang ipaalala sa mga Sudduseo ang kapangyarihan ng Diyos sa kamatayan.  Mga kapatid, nais ipaunawa sa atin ng Panginoon ngayon na hindi natatapos sa pagkamatay ng katawan, ang buhay na pakikipag-ugnayan ng Diyos sa kanyang bayan.  Ang Kanyang nananatiling presensya at ang buhay na walang hanggang ipinagkakaloob Niya ang nagbibigay ng katiyakan na mananatili ang ugnayang ito hanggang sa Muling Pagkabuhay.