Daughters of Saint Paul

Hunyo 08, 2017 HUWEBES Ikasiyam na Linggo ng Taon / Santa Serra

 

Tb 6:10-11; 7:1bkde, 9-17: 8:4-9a – Slm 128 – Mk 12:28-34

Mk 12:28-34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”   Sumagot si Jesus: “Ito ang una: 'Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”

            Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarilui ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”

            Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, isang sagot lamang ang inaasahan ng guro ng Batas na nagtanong, pero dalawa ang ibinibigay ni Jesus.  Una, “Ibigin mo ang Diyos nang buong pagkatao – puso, kaluluwa, pag-iisip at lakas.”  Tinatawag itong shema sa aklat ng Deuteronomio, isang panalanging kailangang dasalin ng mga Judio nang tatlong beses araw-araw.  At ang ikalawa, “Ibigin mo ang kapwa gaya ng iyong sarili,” mula naman ito sa Aklat ng Levitico.  Kung susuriing mabuti, hindi ito dalawang kautusan kundi iisang Batas lamang.  Dahil hindi maaaring paghiwalayin ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.  Lagi itong magkaugnay.  Paano mo nga naman masasabing minamahal mo ang Diyos kung napopoot ka sa kapwa, nandaraya ka sa negosyo, ayaw mong gamutin ang pasyenteng walang pambayad at puro pansariling kapakanan ang inaatupag mo.  Nagsisimba ka nga araw-araw o linggo-linggo pero di ka naman makatarungan magpasahod sa mga empleyado mo; hindi rin makatao ang trato mo sa’yong mga kasambahay; at wala ka ring pakialam sa damdamin ng mga taong sinisiraan mo.  Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na ang ating kapwa ang larawan ng Diyos na di nakikita.  Kaya anuman ang gawin natin sa kanila – mabuti man ito o masama – ginagawa natin ito sa Diyos.