Daughters of Saint Paul

Hunyo 09, 2017 BIYERNES Ikasiyam na Linggo ng Taon / San Efren, diyakono at pantas ng Simbahan

 

Tb 11:5-17 – Slm 146 – Mk 12:35-37

Mk 12:35-37

Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya:  “ Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na Anak ni David ang Mesiyas? Sinabi nga ni David nang magsalita siya sa Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Panginoon:  Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’

            “Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, pwede bang anak siya ni David?”

            Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.

PAGNINILAY

Mga kapatid, para maunawaan natin ang konteksto ng Ebanghelyo, mahalagang tanungin, sino ba si David sa buhay ng mga Israelita?  Ano bang papel ang kanyang ginampanan sa kasaysayan ng bayang pinili?  Hindi kumpleto ang kuwento ng Israel nang hindi binabanggit si David.  Sa kabila kasi ng kanyang mga kahinaan, nakilala si David sa biblical na tradisyon bilang “haring naaayon sa puso ng Panginoon.”  Sa kanya raw, pinagsama ang mga katangiang hinahanap sa isang hari:  may talinong pulitikal at hindi mapapantayang kakayahan sa pakikipagdigma.  At dahil nga rito, mula kay David daw ang isang hari, ang Mesiyas, ang Anak ni David na siyang magiging instrumento raw ng pagliligtas sa sanlibutan.  Pero sa araw na ito, sinasabi ni Jesus na higit pa sa inaasahang hari, sa inaasahang anak ni David, ang haring darating, hindi lamang isang lider pulitikal o isang heneral na mangunguna sa isang digmaan.  Sa halip, ang Anak ni David, higit pa kay David.  Hindi lamang sila ililigtas mula sa isang makamundong digmaan kundi sa digmaan sa pagitan ng mabuti at masama.  At dito nga, magtatagumpay ang anak ni David para sa kabutihan.  Mga kapatid, isa itong usapin sa Ebanghelyo na magpahanggang ngayon nananatiling palaisipan sa mga Israelita.  Hindi nila kinilala si Jesus bilang ipinangakong Mesiyas ng Ama na magliligtas sa sanlibutan, kung kaya’t magpahanggang ngayon naghihintay pa sila ng Mesiyas.  Magpasalamat tayo sa pananampalataya natin sa Panginoong Jesus, bilang ating Tagapagligtas, ang Mesiyas na ipinadala ng Diyos Ama.