Daughters of Saint Paul

Hunyo 10, 2017 SABADO Ikasiyam na Linggo ng Taon / Santa Oliva

 

Tb 12:1, 5-15, 20 – Tb 13 – Mk 12:38-44

Mk 12:38-44

Sinabi ni Jesus sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.”

 Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya.

 Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila pero siya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga niya ang lahat ng nasa kanya—ang mismong buhay niya.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, pinuri ng Panginoon ang biyuda na naghulog ng dalawang barya.  Dahil mula sa kanyang kasalatan, inihulog nga niya ang lahat nang nasa kanya, maging ang mismong buhay niya.  Patunay lamang ito na hindi sa laki o liit ng donasyon ang ikinatutuwa ng Panginoon, kundi sa bukal na pagbibigay na mula sa puso.  Ipinakita sa Ebanghelyo ang dalawang nagbibigay.  Una, ang isang mayamang tao na nagbigay ng napakalaking halaga.  At ang ikalawa, ang babaeng balo na naghulog ng dalawang barya.  Bagamat hindi naman hinuhusgahan ng Panginoon ang mayaman, binigyang-diin Niya na natutuwa Siya sa babaeng balo dahil ibinigay nito ang ikabubuhay niya.  Ano ang ibig sabihin nito?  Mga kapatid, natutuwa ang Panginoon sa balo dahil hindi niya ipinagmaramot ang kakaunting mayroon siya.  Karamihan sa atin, hirap ibigay ang kakaunting meron tayo dahil ang katwiran natin, kailangan ko rin ito.  Natutuwa ang Panginoon sa balo dahil hindi niya kayang ibigay ang lahat-lahat niya kung hindi likas sa kanya ang pag-iisip sa iba.  Natutuwa rin Panginoon sa balo dahil nagtiwala siya sa Panginoon.  Nang ibigay niya ang kanyang ika-bubuhay, ipinakita niya ang tiwala niyang hindi siya pababayaan ng Panginoon.  Alam niyang wala siyang dapat ikatakot dahil ang Panginoon ang siyang bahala sa kanya.  Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pananampalataya… Maging bukaspalad nawa ako sa pagtulong sa kabila ng aking pangangailangan.  Dahil nababatid ko pong hinding-hindi Ninyo ako pababayaan.  Amen.