2Cor 3:4-11 – Slm 99 – Mt 5:17-19
Mt 5:17-19
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n'yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
“Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
PAGNINILAY
Sa ating pang-araw-araw na buhay, madalas, pinagtutunggali natin ang Panginoon at ang Kautusan. Iniisip natin na kabaligtaran ng mga utos ang nais ng Panginoon. Pero hindi ito totoo. Sa Ebanghelyong ating narinig, sinasabi ni Jesus na naparito Siya, hindi para balewalain ang Kautusan, kundi upang mas maipaliwanag pa ito ayon sa kalooban ng Diyos. Mahalaga ang mga Kautusan; mahalaga ang kaliit-liitang mga bahagi nito. Pero dapat itong tuparin sa ilalim ng gabay ng kalooban ng Diyos. Paano? Una, kailangan magkaroon tayo ng matalik na ugnayan sa Panginoon. Magagawa lamang natin ito kung araw-araw tayong makikipag-usap sa Kanya sa loob ng isang tahimik na panalangin. Doon, ilatag natin sa Kanya ang ating nalalaman at nais sa buhay; pagkatapos, buksan naman natin ang ating mga puso at kalooban sa Kanyang sinasabi sa atin. Hindi ito madali, pero kay Jesus na Siyang katuparan ng mga Kautusan, walang imposible. Mga kapatid, ang katapatan nating maglaan ng panahon para sa araw-araw na pananalangin, ang ating pagbabasa ng Biblia at pagninilay sa sampung utos ng Diyos, ang magpapatibay sa’ting ugnayan sa Panginoon. At kapag matibay na ang ugnayan natin sa Diyos, magiging madali na para sa atin ang sumunod sa Kanyang mga utos. Hindi na natin ito titingnan bilang tanikala na gumagapos o kaya’y kulungang bumilanggo sa kalayaan natin. Kundi sumusunod tayo, bilang tanda ng ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Alalahanin natin na pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ang tunay na kaganapan ng anumang batas. Nawa’y makita natin at maisabuhay, higit sa kautusan ng batas, ang tunay na diwa nito. Panginoon, tulungan Mo po akong lumago sa pagsabuhay ng Iyong kautusan. Matupad ko nawa ito sa tunay na diwa nang pag-ibig at hindi pagpahirap sa aking kapwa. Amen.