Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 5, 2026 – Lunes, Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 10:25-37 

May tumindig na isang guro nang Batas para subukin si Hesus. Sinabi niya: “Guro, ano ang gagawin ko para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Ano ba ang nasusulat sa Batas, at paano mo ito naiitindihan?” “Mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso at nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas at nang buo mong pag-iisip. At nasusulat din naman: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” “Tama ang sagot mo. Gawin mo ito at mabubuhay ka.” Ngunit gustong mangatwiran ng guro ng Batas kaya sinabi niya kay Hesus: “At sino naman ang aking kapwa?” Sinagot siya si Hesus: “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem papunta sa Jerico at nahulog siya sa kamay ng mga tulisan. Hinubaran siya ng mga ito at binugbog at saka iniwang halos patay na. Nagkataon namang may isang paring pababa rin sa daang iyon. Pagkakita sa kanya, lumihis ito ng daan. Gayundin naman, may isang Levitang napadaan sa lugar na iyon; nang makita siya’y lumihis din ito ng daan. Ngunit may isang Samaritano namang naglalakbay na napadaan sa kinaroroonan niya; pagkakita nito sa kanya, naawa ito sa kanya. Kaya’t lumapit ito, binuhusan ng langis at alak ang kanyang mga sugat at binendahan. Isinakay nito ang tao sa sarili niyang hayop at dinala sa isang bahay-panuluyan at inalagaan. Kinabukasan, dumukot ang Samaritano ng dalawang denaryo, ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi: ‘Alagaan mo siya; sasagutin ko ang anumang karagdagang gastos pagbalik ko.’” At sinabi ni Hesus: “Sa palagay mo sino sa tatlong ito ang naging kapwa sa taong nahulog sa kamay ng mga tulisan?” Sagot ng guro: “Ang nagdalang-habag sa kanya.” Kaya ni Hesus sa kanya: “Humayo ka’t ganoon din ang gawin.”

Pagninilay:

Kapatid, napapansin mo bang minsan parang may tug-of-war o hilahang lubid sa iyong puso? Nais nating tumulong sa isang tao pero mas nangingibabaw sa atin ang ating kapakanan: mga bagay na kailangan nating gawin sa bahay, school, sa trabaho at kahit gawaing simbahan. Nakatuon tayo sa ating sariling pangangailangan at kung ano ang convenient para sa atin. Hindi natin narerealize na ganito na ang nagiging takbo ng buhay natin sa araw-araw. Kapakanan ko, kaginhawaan ko, pangarap ko, puro ako. Kung lahat ng ginagawa natin ay ayon lamang sa ating convenience at kung anong mapapakinabangan natin, sino ang talagang minamahal natin? Kapatid, minsan ang mukha ng pag-ibig ay ganito: istorbo, hirap, pasakit. Tularan natin si Santa Faustina na siyang nagsabing, “Ang dalisay na pag-ibig… ay nakaaalam na iisang bagay lamang ang kailangan upang kalugdan ng Diyos: ang gawin kahit ang pinakamalaliliit na bagay nang may dakilang pag-ibig—magmahal, at laging magmahal.” Amen.

–         Sr. Raine Santos, fsp | Daughters of St. Paul