Ebanghelyo: Lucas 11:1-4
Isang araw, nananalangin si Hesus sa isang lugar at pagkatapos niya’y sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin kung paanong tinuruan ni Juan ang kanyang mga alagad.” At sinabi ni Hesus sa kanila: “Kung mananalangin kayo, sabihin niyo: “Ama, sambahin ang ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, bigyan mo kami araw-araw ng pagkaing kailangang-kailangan namin, patawarin mo kami sa aming mga sala; tingnan mo’t pinatatawad din namin ang lahat ng may utang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.”
Pagninilay:
Kapag marami tayong iniisip, minsan nahihirapan tayong manalangin. Hindi natin alam kung ano ang sasabihin. May problema sa bahay, may trabaho o pag-aaral na kailangang tapusin, at may mga bagay na gusto nating mangyari. Kaya minsan, ang panalangin natin ay puro hingi: “Lord, tulungan Mo ako.” “Lord, sana maging okay na ang lahat.”
Sa Ebanghelyo, nang tanungin ng mga alagad si Hesus kung paano manalangin, itinuro Niya ang isang simpleng panalangin: “Ama namin.” Hindi kailangan ng mahahabang salita o magagandang linya. Ang mahalaga ay marunong tayong lumapit sa Diyos bilang Ama.
Sa Ama Namin, nananalangin tayo para sa mga bagay na dala natin araw-araw: pagkain, kapatawaran sa ating mga pagkakamali, at lakas sa gitna ng mga pagsubok. Puwede nating dalhin sa Diyos ang buong buhay natin. Hindi lang ang malalaki nating problema, kundi pati ang maliliit na bagay na bumabagabag sa atin.
Sa dami ng ating hinihingi araw-araw, hindi ba’t kapansin-pansin na kasama rito ang kapatawaran? Humihingi tayo ng tawad sa Diyos, habang tinuturuan din tayong magpatawad sa iba. Hindi ito laging madali, pero dito nagsisimula ang pagbabago ng ating puso.
Mga kapatid, baka ngayon marami kang iniisip at hindi mo alam kung saan magsisimula. Baka sapat nang sabihin, “Ama namin.” Sa simpleng panalangin na ito, naaalala nating may Diyos na nakikinig, nagmamahal, at hindi tayo nag-iisa.
Manalangin tayo: Panginoon, turuan Mo kaming lumapit sa Iyo nang may tiwala. Sa saya man o hirap, tulungan Mo kaming manatiling malapit sa Iyo. Amen.
– Cl. Anjon Mamunta, ssp | Society of St. Paul