Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 20, 2026 – Martes, Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 12:35-38

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi siya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating niya’t pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating niya. Maniwala kayo sa akin, isusuot niya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man siya sa hatinggabi o sa madaling-araw at matagpuan niya silang ganito, mapalad ang mga iyon!”

Pagninilay:

          Tungkol sa kahalagahan ng pagiging handa at laging gising sa pagdating ng Panginoon ang mensahe ng Ebanghelyo ngayon.

Naala-ala ko si Santo Domingo Savio. Tinanong siya ni San Juan Bosco kung ano ang gagawin niya kung kukunin na siya ng Diyos o mamamatay na siya sa loob ng isang oras. Naglalaro siya noon ng football kasama ang kanyang mga kaibigan. Agad na sumagot si Santo Domingo Savio: “Ipagpapatuloy ko ang aking paglalaro”

Bakit ito ang kanyang isinagot? Kabaligtaran sa inaasahan ng marami na siya ay magpapanic, magdarasal nang matagal, o magkukumpisal. Kampante ang batang santo dahil alam niyang ang kanyang kasalukuyang ginagawa (ang paglalaro nang maymalinis na puso at kagalakan) ay kalugod-lugod na sa Diyos. Ipinapakita nito ang tunay na kabanalan. Ito ang pagiging laging handa sa anumang oras dahil namumuhay ka nang maayos at walang mabigat na kasalanan sa bawat sandali.

Isa pang halimbawa ay si San Cornelio na isang opisyal o senturyon ng hukbong Romano sa Cesarea. Inilarawan siya bilang isang taong matuwid, relihiyoso, at matulungin sa mahihirap kasama ang kanyang buong sambahayan. Marami tayong nababalitaan na mga “sudden deaths”. Karamihan ay nasa murang edad pa lamang. Hindi natin alam ang oras o paraan ng pagtawag ng Diyos sa atin. Ano ang paghahanda na ginagawa natin? Hinihikayat tayo ng Ebanghelyo na huwag maging kampante o tamad sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya.

Manalangin tayo:

Panginoon, turuan Mo akong gamitin ang natitira kong panahon sa mundo upang magmahal, maglingkod, at gumawa ng mabuti sa aking kapwa. Amen.

  • Sr. Aida Adriano, fsp | Daughters of St. Paul