Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 21, 2026 – Miyerkules, Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 12:39-48

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Isipin n’yo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana niya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi n’yo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwain ng panginoon sa kanyang mga tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan siya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain siya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang panginoon ko’ at simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na hindi inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman. Palalayasin niya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban niya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban niya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”

 

Pagninilay:

Chronic procrastinator ka na ba? Natatambakan tayo ng mga bagay na lagi nating ipinag-papabukas hanggang sa umabot na ang deadline, kasi iniisip natin na marami pa namang oras.

Sa Ebanghelyo ngayon, pinaaalalahanan tayo ni Hesus na hindi natin alam kung kailan Siya darating. Kaya ang pagiging handa ay hindi lang tungkol sa paghihintay. Dapat din nating bigyang-pansin kung paano tayo namumuhay habang naghihintay.

Nagkuwento rin si Hesus tungkol sa isang katiwala na pinagkatiwalaan ng kanyang amo. Ang tanong ay kung magiging tapat siya sa ipinagkatiwala sa kanya. Ganoon din sa atin. May mga taong ipinagkatiwala sa atin, pati na rin ang ating oras, talento, gawain, at mga pagkakataong gumawa ng mabuti.

Mga kapatid, hindi natin kailangang hintayin ang malaking sandali para maging tapat sa Diyos. Sa maliliit na bagay pa lang, puwede na tayong magsimula. Ang pagiging handa ay makikita sa paraan ng ating pagmamahal at paggawa ng tama, kahit walang nakakakita.

–         Cl. Anjon Mamunta, ssp | Society of St. Paul