Ebanghelyo: Lucas 12:49-53
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Dumating ako upang maghagis ng apoy sa lupa, at ganoon na lamang ang pagnanais kong magliyab na sana ito! Ngunit dapat akong mabinyagan ng isang binyag, at ganoon na lamang ang pagkabalisa ko hanggang hindi ito nagaganap! Sa akala n’yo ba’y dumating ako para magbigay ng kapayapaan sa lupa? Hindi, sinasabi ko sa inyo, kundi paghihiwa-hiwalay! Sapagkat mula ngayo’y magkakahati-hati ang limang nasa sambayanan, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo; magkakahati-hati sila; ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”
Pagninilay:
Kung babalikan ko yung mga taon na ako’y estudyante, maaalala ko pa rin ang mga teachers na hinangaan ko dahil sa kanilang galing at sigasig sa pagtuturo. Bakit po? Dahil naramdaman ko at nakita sa kanila ang lalim ng kanilang kaalaman. A good educator combines deep knowledge of a subject with care, patience and clear communication to help students learn. Sabi sa katekismo ng ating simbahan, si Hesus ang ating Banal na Guro. Hesus taught with divine authority. Sa pamamagitan ng mga simpleng kwento hindi lang siya nagturo kundi naipadama niya ang habag at malasakit na nakapagpapanibago ng puso.
Sa Ebanghelyo ngayon, nilinaw ni Hesus kung ano ang mahalaga sa Diyos. Damang-dama natin ang masidhi niyang damdamin habang sinasabi, “I have come to set the earth on fire, and how I wish it were already blazing!” Ang tinutukoy na binyag ni Hesus ay ang Misteryo Paskwal, ang sukdulang pagsunod sa kalooban ng Ama: sa kanyang pagkamatay sa krus at muling pagkabuhay para sa ating kaligtasan. Hinahamon tayo ng radikal na pagsunod kay Hesus, na gumawa ng napakahirap na pagpili na minsa’y nangangahulugan ng pagtalikod sa sariling pamilya.
Naparito si Hesus para ibigay ang lahat ng mayroon Siya, isakripisyo ang Kanyang sarili nang lubusan, upang mapag-alab niya ang ating mga puso sa Kanyang pag-ibig, at upang mabinyagan ang buong sangkatauhan sa Kanyang grasya. Ito ang mahalaga sa Kanya! Madalas po ang mahalaga sa atin ay magkaroon ng tahimik at kumportableng buhay. Pero sinabi ni Hesus na hindi iyon ang mahalaga sa Kanya. Hindi iyon ang dahilan kung bakit Siya dumating. Naparito Siya upang gawing posible para sa atin na mabuhay sa Kanya. Magsumamo tayo sa Panginoon, ang ating Banal na Guro, na bigyan tayo ng malalim na paghahangad na manalangin, that we might drink deeply of the water of His grace, and that His life may flourish within us.
- Gigi Marie Lastimosa