Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Oktubre 23, 2026 – Biyernes, Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 12:54-59

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Kapag nakita n’yong tumataas ang ulap sa kanluran, kaagad n’yong sinasabi, ‘Uulan,’ at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip naman ang hangin galing timog, sinasabi n’yong ‘Magiging napakainit,’ at nangyayari nga ito. Mga mapagkunwari! Nabibigyan n’yo ng kahulugan ang anyo ng lupa at Langit ngunit bakit hindi n’yo sinusuri kung ano ang panahong ito? At ba’t hindi kayo mismo ang makapagpasya kung ano ang tama? Sa pagpunta mo sa maykapangyarihan kasama ng kalaban mo, sikapin mong makipag-areglo sa kanya sa daan; baka iharap ka sa hukom at ibigay ka naman ng hukom sa pulis para ipakulong sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-huling sentimo.”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyong ngayon, sinabi ni Hesus na marunong tayong tumingin sa mga palatandaan ng kalikasan. Kapag may makapal na ulap, alam nating uulan. Kapag umiihip ang mainit na hangin, alam nating magiging mainit ang panahon. Ngunit itinatanong ni Hesus: Bakit hindi ninyo nakikilala ang mga palatandaan ng panahon? Inaanyayahan din tayo na maging mulat sa mga pangyayari sa ating buhay at kilalanin kung paano kumikilos ang Diyos sa ating araw-araw na karanasan. Iba-iba ang paraan ng pagsasalita ng Diyos. Maaari Siyang magsalita sa ating nakakasalamuha, sa isang pangyayaring hindi natin inaasahan, sa isang pagsubok na ating pinagdaraanan, o sa isang biyayang ating natanggap. Harinawa, ay mapansin natin ang pagkilos ng Diyos sa kabila ng mga abala sa buhay. Inaanyayahan din tayo ng Ebanghelyo na huwag ipagpaliban ang pagbabalik- loob sa kanya. Mga kapatid, tanungin natin ang ating sarili: Ano ang nais ipakita ng Diyos sa akin sa mga pangyayari sa buhay ko ngayon?

Panalangin: Panginoong Hesus, Bigyan Mo ako ng pusong gising at handang makinig sa Iyong tinig. Tulungan Mo akong makita ang Iyong presensya sa mga pangyayari at taong nakapaligid sa akin. Huwag Mo akong hayaang ipagpaliban ang paggawa ng mabuti. Amen.

–         Sr. Edith Ledda, fsp | Daughters of St. Paul